PARTIAL TRUCK BAN IPATUTUPAD SA QC

MAGPAPATUPAD ng partial truck ban ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga area ng Visayas at Mindanao Avenues upang maiwasan ang matinding trapik sa nasabing mga lugar lalo na sa rush hours.

Inihayag ito ni Mayor Joy Belmonte matapos aprubahan ang Ordinance No. SP-2984, S-2020 na nagbabawal sa mga truck at iba pang heavy vehicles na dumaan sa naturang pangunahing kalsada mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi.

“Naging paborito nang daanan ng truck ang mga nasabing kalsada dahil mas madali silang nakararating sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan,” ani Belmonte.

“Subalit nauuwi naman ito sa pagsisikip ng daloy ng trapiko, lalo na tuwing rush hours, na nakakaabala sa ibang mga motorista pati na sa commuters. Kaya nagpasya tayong magpatupad ng partial truck ban,” dagdag niya.

Sa ilalim ng nabanggit na ordinansa, binigyang-diin nina Majority Floor Leader Franz Pumaren at Councilors Donato Matias, Eric Medina at Victor Ferrer Jr. na ang mga truck at malalaking sasakyan (heavy vehicles) ay hindi papayagan na makadaan sa nasabing na ruta sa nabanggit na mga oras, at ito ay naaayon sa modified truck ban policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nilinaw naman ni Belmonte na ang truck ban ay hindi ipatutupad sa araw ng Linggo at deklaradong regular o special holidays.

Hindi naman kasama sa ipinagbabawal sa ordinansa ang fire trucks, garbage/hauling/dump truck, police/military truck o bus, at iba pang kaparehong motor vehicles na pag-aari o nasa ilalim ng kontrata sa gobyerno na ginagamit sa public service works.

Ang sinumang lalabag ay papatawan ng multang P5,000 o pagkakakulong ng isang taon o parehas at depende sa desisyon ng korte.

Ang kopya ng ordinansa ay ibinigay na sa Department of Public Order and Safety (DPOS), Quezon City Police District (QCPD) Traffic Department at mga miyembro ng MMDA para sa mahigpit na implementasyon ng partial truck ban. (JOEL O. AMONGO)

130

Related posts

Leave a Comment