WHITEWASH SA PAGPATAY NG PULIS SA MAG-INA Hindi mangyayari – PNP Region 3

TINIYAK ni Central Luzon Police chief, P/BGen. Valeriano de Leon na maparurusahan at hindi magkakaroon ng whitewash sa imbestigasyon sa pamamaril ng isang pulis sa kapitbahay na mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.

“Police Regional Office 3 strongly condemns this ruthless incident and I can guarantee that there will be no whitewash in the investigation and any infraction or wrongdoing committed by any member of the PNP will never be tolerated. We assure the public as well as the victims’ families, of our total commitment to ensure that justice will be swiftly given to them,” ani P/BGen. De Leon.

Magugunitang noong Linggo, Disyembre 20, pinagbabaril ni PSMSgt. Jonel Nuezca y Montales, 46, nakatalaga sa PNP Parañaque City Crime Laboratory, ang kanyang kapitbahay na mag-ina na sina Sonya Gregorio y Rufino, 52, at Frank Anthony Gregorio y Rufino, 25, binata, pawang mga residente ng Brgy. Cabayaoasan, Panique, Tarlac.

Nag-ugat ang pamamaril ni Nuezca sa mag-inang Gregorio nang magbuwisit ang pulis sa ingay ng pagpapaputok ng ‘boga’ mula sa compound ng mga biktima.

Sumugod umano si Nuezca sa compound ng mga biktima at galit na galit na hinawakan ang batang Gregorio na yakap naman ng kanyang nanay (Sonya) habang pinagsasabihan.

Maya-maya pa ay biglang bumunot ng baril si Nuezca at pinagbabaril ang mag-ina hanggang bumagsak ang mga ito.

Napag-alaman ng pulisya na matagal na palang may alitan ang mga biktima at ang suspek sa ‘right of way’ sa kanilang lugar.

Matapos ang pamamaril, agad na sumuko si Nuezca kay P/Maj. Fernando Hernandez, Jr., chief of police ng PNP Rosales, Pangasinan, dala ang kanyang Beretta 9mm (serial number M178132) na ginamit sa kanyang pagpaslang sa mag-inang Gregorio.

Agad namang itinurn-over ng PNP Rosales, Pangasinan ang suspek sa PNP Paniqui, Tarlac para sampahan ng kaukulang kaso.

Nabatid na kinasuhan ng double murder si Nuezca sa korte ng Paniqui, Tarlac. (JOEL O. AMONGO)

217

Related posts

Leave a Comment