MATINDI ang dagok na naganap sa taong 2020. Kabilang na rito ang pandemya na nagpabagsak ng maraming negosyo at pagkawala ng trabaho ng maraming mamayan sa buong mundo lalo na ng mga OFW.
Maaga pa nga lamang ay naghahanda na ang mga Filipino para sa pagpasok ng bagong taong 2021 dahil umaasa sila na sa pagpasok nito ay malamang na may bago ng pag-asa na maasahan katulad ng pagdating ng bakuna para sa Anti COVID-19.
Pero bago pa man matapos ang taong 2020, ay biglang umeksena ang magandang balita na nagbigay na ng hatol ang korte laban sa mga employer ni Jeanalyn Villavende.
Hinatulan ng kamatayan ang kanyang among babae na itinuturong siyang nagpasimuno ng matinding pagmamaltrato kay Villavende. Habang ang kanyang asawang lalaki naman ay nahatulan lamang ng apat na taon na pagkakabilanggo.
Maituturing itong magandang balita para sa mga OFW dahil nagbibigay ito ng pag-asa para sa mga OFW na biktima ng pagmamaltrato. Gayundin, ito ay nagpapahiwatig para sa mga employer na hindi basta titiklop at magpipikit mata lamang ang ating gobyerno sa tuwing oras na may inaaping OFW.
Natutuwa ako at hindi ako nagkamali sa pagpupumilit na ang kunin na abogado kay Jeanalyn ay si Atty. Fawsia Al Sabah. Matagal ko na kakilala si Atty. Fawsia al Sabah.
Siya ay isa sa mga pamangkin ng Amir ng Kuwait at sa maraming beses naming paghaharap at pag-uusap ay lagi niyang sinasabi na hindi nila hahayaan na ang mga Kuwait ay mang-aabuso ng kahit sinoman.
“Darating ang panahon ay iiwan na ng mga Filipino at iba pang expatriate ang aming bansa, at sa bandang huli ay kami-kami na lamang ang magkakasama sa Kuwait. Kung kaya hindi namin dapat hayaan na masanay na gumawa ng masama at pang-aabuso ang mga Kuwaitis, kaya maaga pa lamang ay dapat na silang disiplinahin.” Ito ang laging pinagdidiinan ni Sheikha Fawsia sa tuwing kami ay magkakausap.
Sa tuwing nagpapalit ng opisyal ng Ambassador ng Pilipinas sa Kuwait, ay pangunahin sa aming rekomendasyon ni Maxxie Santiago ay kunin na abogado ng embahada si Sheikha Fawsia Al Sabah, pero maraming beses din itong tinanggihan dahil diumano ay mataas ang singil ni Sheikha Fawsia.
Kaya ako ay natutuwa na noong nagkita kami ni Department of Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa pagsalubong sa bangkay ni Jeanalyn Villavende ay siniguro niya sa akin na si Sheikha Fawsia Al Sabah ang kanilang pahahawakin ng kaso upang makamit nito ang hustisya.
Para sa pagbabalik tanaw, si Jeanalyn Villavende ang OFW sa bansang Kuwait na ginulpi hangang sa mamatay. Setyembre pa lamang ay nagsumbong at humingi na ito ng tulong sa kanayang ahensya ngunit hindi ito natulungan hanggang sa matagpuan na lamang sa ospital na ito ay patay na. Personal kong nakita ang mga larawan ng kalunos-lunos na katawan ni Jeanalyn na patunay na sobrang hirap na kanyang dinanas sa kamay ng kanyan employers.
Sa araw ng libing ni Jeanlyn ay nagtungo ako sa Noralah, South Cotabato upang maghatid sa huling hantungan at siniguro ko sa kanyang pamilya na mabibigyan ng hustisya ang kamatayan ni Jeanalyn lalo pa at ang mahusay na abogado na kamag-anakan ng Amir ang siyang kinuhang abogado ng ating embahada.
Sulit na sulit anuman ang halaga na ibinayad para sa Legal Assistance Fund kay Sheikha Fawsia at sana ay maging patakaran ng ating embahada ang hindi bale na ang mahal na bayarin sa abogado, masiguro lamang ang hustisya para sa ating mga OFW.
