BINATIKOS ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon si Senate President Vicente Sotto III sa paghahain nito ng panukalang prangkisa sa ABS-CBN Corporation sa Senado.
Kumbinsido si Gadon na ‘wala sa hulog’ ang hakbang ni Sotto dahil hindi naman magsisimula sa Senado ang panukalang batas hinggil sa 25 taong prangkisa ng lahat ng kumpanyang media at telekomunikasyon kundi sa Kamara de Representantes.
“The Senate Bill which intends to grant a new [legislative] franchise to ABS-CBN [Corporation] is not possible under legal circumstances,” pahayag ni Gadon.
Ang desisyon ni Sotto ay walang ibang kahulugan kundi “farce which deserves to be sneered and laughed at”, ratsada ni Gadon.
Ayon kay Sotto, nagpasya siyang buhayin ang panukalang prangkisa ng kumpanyang pag-aari ng pamilya Lopez dahil kumbinsido siyang walang kakumpitensya ang ibang kumpanya sa news broadcasting mula nang tuldukan ng Kamara ang hininging panibagong 25 taong prangkisa ng ABS-CBN.
Bilang pinuno ng Senate Committee on Public Services kung saan tatalakayin at ipapasa ang panukalang prangkisa bago aprubahan sa plenaryo ng Senado, nagpahayag ng kahandaan si Senadora Mary Grace Poe na talakayin ang panukala ni Sotto.
Pinatunog ni Poe sa kanyang press statement na pumapanig siyang bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Anim na senador naman ang napabalitang handang maging co-authors ng panukala ni Sotto.
Ipinaalala ni Gadon kay Sotto na ang panukalang prangkisa ng media at telecommunication company ay “eksklusibong nag-uumpisa” sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kung bubuhayin sa Kamara ang HB para sa prangkisa ng ABS-CBN sa kabila ng kuwestyon sa “titulo ng lupa” at “pag-aari ng lupa” sa Quezon City na kinatatayuan ng ABS-CBN, hinamon ni Gadon ang mayorya ng mga kongresista sa ganitong usapin: “[W]ill the House blindly skip this highly legal and moral issue just to kowtow to the wishes of senators?”
Tinanong din ni Gadon kung palulusutin ng mga kongresista ang mga pananagutan ng ABS-CBN sa mga batas hinggil sa “PDRs (Philippine Depository Receipts, tax avoidance and tax evasion”?
Binanggit din ni Gadon ang atraso ng ABS-CBN sa mga manggawa nito at marami pang isyu.
“ABS-CBN is not the only nationwide media organization… To set aside the issues the ABS-CBN has not responded to is just too immoral [and ] not only illegal for flimsy reason of broadcasting.
The other media outfits are doing fine,” paalala ni Gadon batay sa kanyang karanasan bilang broadcaster.
Kasapi rin siya ng National Press Club (NPC) na muling pinamumunuan ng kolumnista ng People’s Tonight at Pinoy Expose na si Paul Gutierrez.
Si Gadon ay tumakbong senador noong halalang 2019. (NELSON S. BADILLA)
