INIUTOS ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa lahat ng bangko sa bansa na siguraduhing “freeze” na ang bank accounts ng mga opisyal at kasapi ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) bilang pagsunod sa batas laban sa terorismo.
Inilabas ng AMLC ang utos noong Enero 13 alinsunod sa direktiba ni BSP Governor Benjamin Diokno na nakabatay sa pagdedeklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) na organisasyong “terorista” ang CPP-NPA.
Ang NPA na itinatag noong Marso 29,1969 ay armadong yunit ng CPP na nabuo naman noong Disyembre 26,1968 ng mga batang komunista, sa pamumuno ni Jose Ma. Sison.
Ang bank accounts ay pinaniniwalaang taguan ng pera ng CPP-NPA na galing umano sa pangingikil sa malalaking kumpanya sa bansa, kabilang ang mga kumpanya sa industriya ng telekomuniskasyon.
Inilinaw rin sa naturang utos na Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pangalan ng NPA sa salitang Filipino.
Bukod sa mga opisyal at kasapi, kasama rin sa freeze order ang bank accounts ang mga organisasyon at aktibistang idedeklara ng ATC na teroristang organisasyon.
Ang naturang aksyon ng BSP ay nakaugnay sa pagpapatupad ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Kasama sa utos ni Diokno na iulat ni BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier ang detalye ng aksyon ng AMLC hinggil sa bank accounts ng CPP-NPA.
Ang pagpapasara sa bank accounts ng CPP-NPA ay pinaniniwalaang bahagi ng adyenda ng administrasyong Duterte na “tapusin” ang nasabing mga organisasyon bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 2022. (NELSON S. BADILLA)
