UPANG hindi maakusahan ang mga pulis ng pine-pressure ng mga ito ang iniimbestigahang mga suspek o persons of interest (POIs) sa isang krimen, kailangang i-video ang interogasyon sa mga ito.
Ito ang panukala ni Cebu Rep. Eduardo Gullas dahil kapansin-pansin na hindi nagbi-video record ang Philippine National Police (PNP) kapag mayroon silang iniimbestigahan o ini-interrogate na suspek o kaya ay person of interest.
“There’s no question the electronic recording of custodial interviews is a potent law enforcement tool,” ani Gullas at standard practice na aniya ito sa ibang bansa lalo na sa Estados Unidos.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng ‘statement’ ng dalawang respondent hinggil sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, na prinesure umano sila ng mga pulis para sabihin na nilagyan ng isa nilang kasama ng ilegal na droga ang inumin ng biktima.
Upang maiwasan aniya ito, kailangang magkaroon ng electronic records ang mga pulis kapag mayroon silang ini-interrogate na suspek sa isang krimen tulad ng nangyari kay Dacera.
Sinabi ng mambabatas na magagamit ang video record kapag bumaliktad ang isang suspek sa kanyang unang statement at mapoprotektahan ang mga pulis sa ganitong uri ng paninira.
Makatutulong din umano ang video recording ng interogasyon sa mga prosecutor para madetermina agad ang probable cause ng isang kaso at kapag nasa korte na ito.
“We would urge the Department of the Interior and Local Government (DILG) to prepare a project to modernize police stations by equipping them with suitable video recording devices,” ayon pa sa mambabatas.
Hindi na kailangan aniya ang malaking pondo para gawin ito ng PNP kundi maglagay lang ng komprehensibong panuntunan sa pagre-record at pagtatago ng video sa ine-interrogate na suspek o person of interest. (BERNARD TAGUINOD)
