AABOT sa P16.8 bilyon ang natipid mula sa kaban ng bayan kung ikukumpara ang nauna at pinakahuling inilabas ng Department of Health na presyo ng Sinovac.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang privilege speech sa sesyon ng Senado na nananawagan ng panibagong pagdinig sa vaccination program ng gobyerno.
“Marahil kung sakaling hindi natalakay sa pagdinig ng Senado ang kontrobersya ng Sinovac, at assuming natuloy ang original na presyong P3,629 or $38 kada dalawang bakuna o P1,814 equivalent to $19 kada turok, kontra $5 sa Thailand, easily the price difference of 25 million doses would fetch US$350 million or P16.8 billion,” pahayag ni Lacson.
Maging ang ilang senador ay nagpahayag ng pagdududa sa hindi mailantad na presyo ng Sinovac.
Sinabi ni Senador Grace Poe na umaalingasaw ang kontrata lalo’t mistulang pinagdidiinan ang naturang bakuna.
Kinatigan din ni Poe ang pahayag ni Lacson na “ang incompetent ang bunsong kapatid ng sinungaling at magnanakaw kasi ang incompetent madaling utuin, madaling turuan ng korapsyon, madaling turuan din na magsinungaling.”
Samantala, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kapag usaping may kinalaman sa pondo ng bayan, dapat maging prayoridad ang transparency.
Sa huli, nagkasundo ang mga senador na magsagawa ng panibagong pagdinig sa vaccination program sa Biyernes. (DANG SAMSON-GARCIA)
