SINABI ng Malakanyang na posibleng sa isang taon pa darating ang bultong order ng pamahalaan na UK made vaccine na Astrazeneca.
Ito ang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque sa gitna ng inisyatibo ng maraming lokal na pamahalaan na pondohan na rin ang pag-angkat ng bakuna na karamihan sa preferred brand ay Astrazeneca.
Sa 2022 pa ani Roque, ang dating ng karamihan sa delivery ng mga LGU na tatak Astrazeneca na maaari namang hintayin ng mga kababayan kung kanilang gugustuhin.
Ngayong Hulyo ay may darating din naman na suplay subalit suwerte na aniya kung may makuhang kaunting bilang nito.
“Naku po talaga po, suwerte na tayo kung makakuha tayo ng kaunting supply ng AstraZeneca sa July, pero karamihan po ng deliver ng AstraZeneca ay 2022 pa. Kung kayo naman po ay malusog at handang maghintay, pupuwede po iyon. In fact, karamihan nang delivery sa mga LGU, 2022 pa po iyon,” ani Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
