NAG-ANUNSYO si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na maaaring magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahit na hindi residente ng lungsod.
Ayon sa alkalde, bukas ang COVID-19 vaccine program ng city government sa Manila residents at non-Manila residents.
“Manilans and non-Manilans, pwede po kayo magpabakuna sa Manila LGU sa sandaling dumating na ang bakuna,” pahayag ng alkalde.
Matatandaang noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng alkalde na lumagda na ang Manila LGU ng tripartite agreement sa national government at sa AstraZeneca para sa pagbili ng 800,000 COVID-19 vaccines para sa kanilang constituents.
Una na ring nagbigay ng libreng testing ang Manila LGU laban sa COVID-19, at maaari rin itong i-avail kahit ng hindi mga residente ng Maynila. (RENE CRISOSTOMO)
