MALABON, PASAY HANDA NA SA VACCINATION

HANDA na ang lungsod ng Malabon para sa pagbakuna sa mga residente laban sa COVID-19, ayon sa Department of Health, batay sa iniharap ng City Health Office (CHO) na vaccination plan sa bumisitang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team.

Nakasaad sa nasabing plano na humigit-kumulang 1,100 katao ang mababakunahan kada araw.

Buo na rin ang mga hakbang na gagawin sakaling may makaranas ng hindi inaasahang masamang epekto ng itatarak na bakuna.

Sa nasabing plano ay limang vaccinations sites ang tinukoy, kabilang dito ang apat na paaraalan.

Nakalatag na rin ang floor plan para sa nasabing vaccination sites at nakahanda na rin pati ang mga sasakyang gagamitin patungo roon.

Samantala, handang-handa na rin ang local government unit ng Pasay City sa pagsasagawa ng malawakang pagbabakuna sa mga residente sa kanilang lunsod kapag dumating na ang mga bakuna laban sa COVID-19 na binili nila mula sa AstraZeneca.

Sa programang “Laging Handa” na umere sa Channel 4, inilahad ni Mayora Emi Calixto-Rubiano, noong Setyembre pa lang ng nakaraang taon ay naglaan na sila ng pondo na pambili ng bakuna sakaling maging available na ang mga ito.

“Pinaghandaan na po namin noong Setyembre pa ang paglalaan ng pondo para pambili ng bakuna, kaya naman nang dumating ang panahon na kailangan nang bumili ay mabilis naming nailabas ang pondo para rito,” sabi ng alkalde.

Una nang lumagda ng kasunduan ang lungsod para makabili ng 275,000 doses ng bakuna sa AstraZeneca noong nakaraang buwan.

Siniguro rin ng alkalde na may mapaglalagakan ang kanilang lungsod ng mga bakuna sakaling dumating na ang mga ito. ((ALAIN AJERO/DAVE MEDINA)

152

Related posts

Leave a Comment