ANGKAS SA MOTOR IPAGBABAWAL?

HINDI na talaga tinantanan ng mga nakaupo sa gobyerno ang motorcycle community. Bakit?

Muli na namang may lumabas na isyu na ipagbabawal na raw ang pag-angkas sa mga motorsiklo.

Kung dati ay dalawa at kung minsan ay tatlo pa nga ang ­maaaring maiangkas, ngayon ay gusto nilang gawin tanging driver na lang ang maaaring nakasakay sa mga motorsiklo.

Ang mga nagmomotor na naman kasi ang nasisisi sa hindi mareso-resolbang krimen na ang sangkot ay yung tinatawag na riding-in-tandem.

Nagawa na nilang palakihan ang plaka ng mga motor, ngayon ay may eksperimento na naman silang gustong likhain para sa mga motorsiklo.

Ang problema. pati ba naman ang natural na disenyo o capacity na dalawang sakay ng motorcycle single ay gustong nilang baguhin para maisulong nila ang kanilang gusto laban sa riding-in-tandem criminals?

Dapat ang baguhin nyo ay ang inyong istratihiya kung papaano nyo mareresolba ang riding-in-tandem criminals sa pamamagitan ng inyong intel community at diskarte na wala kayong piniperwisyong komunidad.

Ito na nga lang ang uri ng pinakamurang transportasyon para sa mga ordinaryong mamamayan lalo nitong nagsimula ang ­Covid-19 pandemic ay pagdidiskitahan nyo pa.

Ano ba naman kayo?

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na kailangan daw tapatan ng motorcycle unit ng Philippine National Police (PNP) ang riding-in-tandem criminals.

Anyare sa PNP motorcycle unit?

O baka tinatamad lang kayo na gumala sa mga lansangan para hanapin ang riding-in-tandem criminals?

Naalala ko tuloy ang kantang “may pulis, may pulis sa ilalim ng tulay” o baka naman “natutulog kayo sa pansitan”?

Kung dati ay may dahilan kayo na tatamad-tamad dahil maliit pa ang mga suweldo nyo. Ngayong malaki na ang sahod nyo kada isang buwan tumbasan nyo naman ng maayos na serbisyo.

Isa siguro sa magandang istratihiya ay hingin nyo ang tulong o gawin nyong maging volunteers ang riders community na magsumbong sa pamamagitan ng text o ­tawag sa PNP laban sa mga kahinahinalang riding-in-tandem criminals.

Sa tingin ng PUNA ay ­magiging epektibo ito, hindi yung mistulang unti-unti nyong sinisingil ang karapatan ng riders community.

Pagsikil kasi sa karapatan ng riders community ang gagawin nyong isa na lang ang kanilang isasakay sa kanilang motor.

Ang single motorcycle ay ­maraming gamit sa mga ­ordinaryong mamamayan, nariyan na ang paggamit nila nito para sa pamimili sa mga palengke na i­naangkas ang kanilang asawa para sa kanilang maliit na negosyo, paghatid sundo sa trabaho at school ng mga anak.

Ang dami niyang aalisan nyo ng karapatan.

Kung ganyang gagawin nyo yan, parang pinatay nyo sila.

Iilan lang ang riding-in-criminals na hindi nyo maresolba kumpara sa milyong mamamayan na mawawalan ng hanapbuhay sa inyong planong pagpapatupad ng walang angkas sa motor?

Ang nasa likod daw nito ay si Chief Presidential Counsel Atty. Sal Panelo? Totoo po ba ito Sir?

Hindi naman siguro lingid sa kaalaman nyo na ang motorcycle single ay nakadisenyo sa dalawang sakay kasama na ang driver nito.

Pag nawalan ng trabaho o hanapbuhay ang maraming ordinaryong riders community sa inyong panggigipit baka lalong lumaki ang problema nyo.

Sabi nga ni Pangulong Duterte, “Tapang at Malasakit” ang diskarte.

Kayo ang ginagawa nyo ay “Tapang Lang, Walang Malasakit”.

Ang pahinang ito ay bukas para sa panig ng PNP at nang iniidolo nating si Atty. Sal Panelo para sa isyung ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

182

Related posts

Leave a Comment