Sa ‘half-baked’ EUA sa Sinovac PUBLIKO LALONG TINAKOT NG FDA

INILARAWAN ni House minority leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano na “half-baked” ang inisyung Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drugs Administration (FDA) sa Sinovac.

Bukod dito, lalo lang umanong nagdulot ng pangamba sa publiko ang mga deklarasyon ng FDA kaugnay sa pagiging epektibo ng nasabing bakuna.

Ginawa ni Paduano ang pahayag matapos sabihin ni FDA director general Eric Domingo, na bagama’t aprubado na ang EUA ng Sinovac ay hindi ito inirerekomendang gamitin sa medical frontliners at mga senior citizen dahil sa mababang efficacy nito.

“This only indicated that the EUA issued to Sinovac was half-baked,” ani Paduano kaya dapat aniyang linawin ito ni Domingo sa lalong madaling panahon dahil posibleng tanggihan ng publiko ang nasabing bakuna.

Nalito umano ang mambabatas dahil sinabi ni Domingo na base sa pag-aaral sa naturang bakuna, ito ay 91% ang efficacy sa Turkey, 65.3% sa Indonesia subalit sa Brazil ay umaabot lamang ng 50.4% subalit inisyuhan pa rin ito ng EUA kasabay ng babala na hindi ito puwedeng gamitin sa medical frontliners.

Dahil dito, posibleng lalong matakot aniya ang publiko na magpabakuna lalo na kung ang Sinovac na gawa sa China, ang ituturok sa kanila.

“Rather than shed light on the use of the vaccine, the FDA has further eroded public trust and confidence in inoculation,” aniya.

Hindi lingid sa lahat na halos 70% ng mga Pilipino ang ayaw magpabakuna laban sa COVID-19 dahil sa mga naririnig at nababasa ng mga ito na negatibong epekto sa mga nabakunahan na sa ibang bansa.

Samantala, ikinatuwa naman ni Deputy Speaker Bernadeth Herrera ang inisyu ng FDA na EUA sa Sinovac na puwede aniyang gamitin sa mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnels sa bansa.

 

INENDORSO
NG PALASYO

Kaugnay nito, inirekomenda ng Malakanyang sa publiko partikular na sa non-healthcare worker population ang paggamit ng bakunang Sinovac.

Ito’y sa kabila na nasa 50.4 percent lamang ang efficacy rate ng nasabing bakuna na gawa sa China.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nagsalita na ang mga eksperto sa bansa gaya nina Dr Lulu Bravo, Dr. Salvaña at iba pa na pawang nanindigan na sapat na ang 50% efficacy rate para makaiwas sa kamatayan at seryosong mga karamdaman.

Maging ang World Health Organization ay nagsasabi na rin aniya na ang 50% efficacy rate ay sapat na para hindi na magpa-ospital pa ang isang nagkasakit at kung tamaan man ay asymptomatic ang mga ito.

Naniniwala rin si Sec. Roque na tatanggapin ito ng taumbayan.

Samantala, walang sinisisi si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkaantala ng pagdating sa bansa ng COVID-19 vaccines.

Naniniwala kasi ang pangulo na ang pagpapadala sa bansa ng mga bakuna ay responsibilidad ng manufacturers.

Ang pahayag na ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ay tugon sa tanong kung may dapat bang panagutin ang pangulo sa pagkakaantala ng pagdating ng Pfizer-BioNTech mula COVAX at Sinovac na may unang itinakdang petsa na Pebrero 15 at Pebrero 23. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

137

Related posts

Leave a Comment