ISINAILALIM ng pamahalaang lokal ng Makati City sa tatlong araw na lockdown ang ilang kalye sa Barangay Pio del Pilar mula Marso 13 upang makontrol ang paglaganap ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa nasabing lugar at mga karatig barangay.
Idineklara ni Mayor Abigail “Abby” Binay na “critical zones” ang ilang lugar sa Brgy. Pio del Pilar sa kanyang Executive Order No. 6 (EO 6), na isinailalim sa tatlong araw na “localized enhanced community quarantine” (LECQ).
Natukoy ng pamahalaang lokal na biglang naging ‘malala’ ang mga kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa nabanggit na barangay.
Sabi ni Binay, ang apektadong mga residente ay isasailalim sa swab testing at hindi papayagang lumabas ng kani-kanilang tirahan sa loob ng nasabing araw.
Tiniyak ng alkalde na ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Makati ay mas lalong nagsisikap na matukoy at ma-isolate ang mga residenteng apektado ng COVID-19.
“Sa pamamagitan nito, mamo-monitor natin nang mas tumpak [kung sinu-sino ang tinamaan ng COVID-19 sa mga residente ng Makati] at [sa gayon] makatugon [ang pamahalaang lungsod] sa umuusbong na kondisyon [ng COVID-19]”, paliwanag ni Binay.
Ang pagkilos na ito, ay bahagi ng istratehiya ng zoning containment” upang mapuksa ang pagkalat ng sakit, dugtong niya.
Ayon sa datos ng lungsod, umabot na sa 701 ang kumpirmadong aktibong kaso ng COVID-19 mula sa 12,249 kabuuang kaso ng virus, habang 11,110 naman ang mga gumaling, at umabot sa 438 ang mga namatay. (MARINHEL T. BADILLA)
