ARESTADO ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Units (SDEUs) ng Galas Police Station (PS-11), sa ilalim ng Quezon City Police District (QCPD), ang isang high value individual (HVI) at nakumpiska ang P510,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa nasabing lungsod noong Marso 20.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Danilo P. Macerin ang suspek na si Marvin Sigua, 45, residente sa #8D, 2B, Don Segundo St., San Agustin Village, Brgy. Talipapa, Quezon City.
Ayon sa ulat, ini-report ng isang confidential informant sa PS-11 ang ilegal na aktibidad ng suspek.
Agad namang naglatag ang police operatives ng buy-bust operation dakong alas-9:40 ng gabi sa nasabing petsa sa nabanggit na lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa nasabing suspek.
Nakumpiska sa suspek ang 75 gramo ng hinihinalang shabu na P510,000 ang halaga.
Ang suspek ay kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)
150 