PAGTUTUROK NG SINOVAC SA SENIORS SINIMULAN SA MAYNILA

IBINIDA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno ” Domagoso na sinimulan nang turukan ng bakunang gawang China na Sinovac, ang senior citizens sa lungsod ng Maynila, makaraang ipag-utos ang suspensyon sa paggamit nito bilang bakuna sa nakatatanda kamakailan.

Ayon sa alkalde, ang paggamit ng naturang bakuna na nauna nang ipinatigil na gamitin sa senior citizens ay nabigyang daan muli makaraang ikunsidera ng FDA ang mga rekomendasyon ng mga eksperto gayundin ang kasalukuyang sitwasyon kung saan mataas ang COVID-19 transmission at limitado ang available na bakuna.

Mismong si FDA director-general, Dr. Eric Domingo ang nag-anunsyo na puwede nang gamitin ang Sinovac sa senior citizen. Dati ay AstraZeneca lamang ang pinapayagang gamitin sa mga may edad na.

Ipinagmalaki ng alkalde ang tagumpay ng vaccination program rollout sa loob ng dalawang sunod na araw na ginawa sa 18 designated sites gaya ng orihinal na plano nila ni Vice Mayor Honey Lacuna noon pang Enero.

Si Lacuna ang pinuno ng health cluster ng lungsod at siya rin ang punong abala ng programa bilang isang doktor.

Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang total na 52,084 frontline workers, senior citizens at indibidwal na may comorbidities sa ilalim ng kategoryang A1, A2 at A3, ang nabakunahan nang simulan ang vaccination program ng pamahalaang lungsod noong unang linggo ng Marso.

Matatandaan, noong Enero sina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ay nag-anunsyo ng kanilang plano na makapagbakuna ng 18K indibidwal kada araw o katumbas ng 540K kada buwan sakaling may steady supply na ng bakuna.

Sinabi pa nito, nitong Huwebes, Abril 8, ay 12,550 pamilya na ang nakatanggap ng P4,000 bawat isa bilang ayuda mula sa national government kaugnay ng ipinaiiral na enhanced community quarantine.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Moreno ang walang kapagurang pagsisikap nina Vice Mayor Lacuna, mga kawani ng Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, kaugnay ng vaccination rollout at gayundin ang mga kawani ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), sa ilalim ng hepe nitong si Re Fugoso, na nagsimula nang magpamigay ng ayuda mula sa national government simula pa noong Martes ng hapon.

Muli ay nanawagan ang alkalde sa mga residente na magrehistro sa www.manilacovid19vaccine.ph para sa kanilang libreng bakuna.

Binigyang diin din niya ang pangangailangan na ipagpatuloy ang pagsusuot ng facemasks at face shields, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa physical distancing. (RENE CRISOSTOMO)

106

Related posts

Leave a Comment