“LIMANG taon na po siyang nabubuhay sa loob ng rehas sa aming bahay.”
Ito ang mapait na kuwento ni Rey-An Catibayan, 29, ng Brgy. Halang, Naic, Cavite tungkol sa kapatid na si Jinkie, 33-anyos. May problema sa pag-iisip si Jinkie na posibleng isa sa mga naging dahilan ay depresyon.
Dahil sa kawalang pag-asa ay humihingi ng tulong si Rey-An upang maipagamot ang kapatid at tuluyan itong maitakas sa rehas na bakal.
Sa panayam kay Rey-An, tanging ang pagpapakulong kay Jinkie sa rehas sa loob ng kanilang bahay ang nakikita nilang solusyon upang hindi ito makapaglayas at makapanakit ng tao.
Taon 2016 nang bigla na lamang aniyang naglayas ang kapatid subalit nang bumalik ay napansin nila ang kakaibang ikinikilos maging ang pananakit sa ibang tao. Dahil dito, napagpasyahan umano ng ilang nakatatanda sa kanilang lugar na ikulong na lamang sa kanilang bahay si Jinkie kaya nagpagawa sila ng rehas.
Pero ang isa pang hindi inaasahan ay nang mapansin nila ang paglaki ng tiyan ni Jinkie hanggang matuklasan nilang buntis pala ito.
Kalaunan, isinilang ni Jinkie ang sanggol na babae na limang taon na ngayon. Ang bata ay nasa pangangalaga at itinuring na ring anak ng asawa ni Rey-An na nasa Abra.
“Minsan kung hindi sinusumpong gusto ko rin sanang lumabas siya sa rehas pero ang inaalala ko ay baka muling maglayas at mabuntis, eh hindi ko naman siya nababantayan,” ayon kay Rey-An na siyang gumagawa ng paraan upang mayroon silang ikabubuhay na magkapatid.
Inamin din ni Rey-An na mayroon din siyang nahihinging tulong mula sa kanilang barangay, mga kaibigan at kapitbahay pero dahil sa ilang taon na rin nilang kalagayan ay unti-unting tumamlay ang sumusuporta sa kanila.
Ipinagamot na rin umano niya ang kapatid sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City at Trece Martires City kung saan nalaman na may bipolar disorder with psychotic reaction si Jinkie pero sinabihan umano siya na kinakailangan na may magbantay sa kapatid. Dagdag pa rito ang kanyang pangangailangan sa gamot na hindi niya maibigay dahil sa pagtitinda lang ng gulay araw-araw siya kumikita na kapos sa kanilang mga pangangailangan.
Himutok pa ni Rey-An, kahit ang asawa sa probinsiya ay halos hindi na rin niya napadadalhan ng panggastos dala ng kakapusan.
Sa mga nagnanais magpaabot ng tulong kay Jinkie para sa kanyang pagpapagamot at iba pang pangangailangan, maaaring makipag-ugnayan kay Rey-An (0965-653-9444) o kay Jemma Escobido (0906-431-8705). (SIGFRED ADSUARA)
