Panawagan ng CAMANAVA residents PASAWAY SA PROTOCOL ‘WAG BIGYAN NG AYUDA

NANAWAGAN ang ilang mga residente sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area na burahin sa listahan ng mga bibigyan ng ayuda ang mga maitatalang lumalabag sa minimum health protocols, pati ang kanilang mga pamilya.

Ayon sa responsableng mga residente ng CAMANAVA, mabisa itong paraan para tandaan ng mga pasaway na mamamayan na ang pagtalima sa safety protocols ay para sa kaligtasan ng mamamayan at kanilang mga mahal sa buhay.

“‘Pag puro paalala lang, mamamaos ang mga nagsasabi sa mga ‘yan. Susunod sandali, pag-alis ng bantay ganoon na naman, gagawin na namang headband ang mga face shield. Nang-aasar. Siyempre maaalala nilang sumunod ‘pag damay na pati mga pamilya nila,” ani alyas Boy Baka ng Barangay Marulas, Valenzuela City.

“Isang taon na ang pandemya, marami pa rin na akala bayag ang mga baba nila at supporter ang face mask. Diyos ko Lord!” bulalas naman alyas Totoy Hapon ng Sipac Almacen, Navotas City.

“Tingnan natin kung hindi magsisunod ang mga damuhong ‘yan pag sinabing hindi sila mabibigyan ng kwarta ‘pag may violation sila. Baka hanggang sa pagtulog mag-face mask at mag-social distancing kahit nag-iisa ‘yang mga diyaskeng batang yan,” ayon naman sa isang senior citizen mula sa Tonsuya, Malabon.

“Dapat lang silang alisin sa listahan, dahil hindi na sila nakakatulong, nakakaperhuwisyo pa sila, pampahaba pa sila ng pila,” pakli ng isang mag-asawa sa Barangay 60, Caloocan City. (ALAIN AJERO)

194

Related posts

Leave a Comment