KINUMPIRMA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na fully vaccinated na siya makaraang tanggapin ang second dose ng Sinovac ngunit patuloy pa rin aniya siyang nag-iingat sa COVID-19, ganito rin ang payo niya sa iba pang mga bakunado na.
Bilang patotoo, patuloy pa rin si Moreno sa pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa proper physical distancing.
Umapela rin ang alkalde sa lahat ng mga tumanggap ng kanilang first dose na huwag papalya sa pagtanggap ng kanilang second dose.
“Di bale sobra sa araw, ‘wag lang kulang. Sa second dose, right now, ang pinatutupad ng WHO, DOH at IATF ay 28 days ang pagitan ng first at second dose ng Sinovac,” ayon kay Moreno.
Ang pahayag na ito ay bilang tugon sa katanungan sa kanyang live broadcast, kung okey lang na tumanggap ng second dose nang mas maaga o lagpas sa itinakdang 28 araw
Kasama rin sa sinagot ni Moreno ang tanong kung puwede bang magpaturok ng ibang brand ng bakuna sa second dose, kaiba sa unang brand na itinurok sa Maynila.
Ayon sa alkalde, may mga pag-aaral na ginagawa sa paghahalo ng bakuna, pero hindi pa ito uubra sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag din ng alkalde na ang ang second dose ay nai-allot na sa mga tumanggap ng first dose.
Idinagdag din nito, ang brand para sa second dose ay kailangan na katulad ng first dose. Hindi rin ipinapayo ang paghahalo ng bakuna sa panahong ito na hindi pa sapat ang ginagawang pag-aaral.
Mapagkakaitan aniya ang mga tumanggap ng brand ng bakuna sa kanilang first dose kapag kailangan na nilang tumanggap ng second dose.
Muli ay iginiit ng alkalde na ang pagiging fully vaccinated ay hindi nangangahulugan na immune ka na sa COVID-19.
Sinabi rin nito na ang pagiging bakunado ay magbibigay lamang ng karagdagang proteksyon upang hindi mauwi sa severe o critical condition sakaling tamaan ng coronavirus. (RENE CRISOSTOMO)
