TINATAYANG P16-milyong halaga ng iladong karne ng peking duck at black duck na ilegal na ipinasok sa bansa ang nakumpiska sa isang storage facility sa Navotas City.
Sinabat ng mga kawani ng Bureau of Customs ang naturang kontrabando noong Mayo 7, sa bisa ng Letters of Authority (LOA) para isagawa ang kanilang tungkulin.
Wala pang isang linggo ang nakalilipas, pinagkaguluhan ang karne ng 40 napisak na baboy sa nasabi ring lungsod at nadagdagan ang komosyon dahil literal na nakawala sa koral ng isang tumaob na trak ang 160 baboy at kinailangang hulihin sa R10, North Bay Boulevard South (NBBS).
Bagama’t walang naiulat na nasaktan o nadamay na motorista sa nasabing insidente, may ilang nangambang lalong kumalat ang COVID-19 dahil sa insidente bunsod ng pagkukumpulan ng mga tao. (ALAIN AJERO)
