ISA sa mga hindi itinuturo ng ating mga health officials ay kung papaano dapat nating i-manage ang ating sarili kapag nagkaroon ng COVID-19.
Hindi ko alam kung nakakaligtaan o sinasadya lang ng mga health officials dahil ang tanging paraan nila sa paglaban sa COVID-19 ay dalhin mo ang sarili mo sa ospital para hindi ka mamatay.
Marami na kasi akong naririnig na kuwento ng mga kaanak ng mga namatay sa COVID-19 na may comorbidity partikular na ang high blood na maayos naman ang kanilang lagay bago natuklasang positibo sila sa virus at ilang araw lang ay patay na.
Hinala ng mga kaanak, tumaas ang blood pressure ng kanilang pasyente dahil sa takot, pag-aalala at stress nang magpositibo sa COVID-19 na posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.
Yung mga walang COVID-19 eh matindi na ang stress na nararamdaman at kapag naiisip lang nila ito ay tumataas na ang kanilang blood pressure, ano pa kaya sa mga nagpositibo, hindi ba?
Hindi iyan pinag-uusapan sa pagkontrol sa pandemya at ang tanging naririnig natin ay kailangan nyong kumonsulta sa psychiatrist kapag nakakaramdam kayo ng takot sa virus na ito.
Pero kung titingnan mo, ang mga walang COVID-19 ang inaabisuhan nilang kumonsulta sa psychiatrist pero yung mga pasyente ay hindi tinuturuan kung ano ang dapat nilang gawin kapag nagpositibo sila sa virus.
Hindi sinasabi kung paano dapat na i-manage ang damdamin, ang isip lalo na dun sa mga may highblood kapag nagkaroon sila ng virus upang hindi lumala ang kanilang kalagayan at maging dahilan ng kanilang kamatayan.
Baka kasi karamihan sa mga namatay sa COVID-19 ay namatay sa hypertension at hindi sa virus at hindi lang idinedeklara ng mga otoridad natin. Kapag namatay sila, sasabihin agad na COVID-19 ang kanilang ikinamatay.
Sa mga nagdaang mga taon, isa ang highblood sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Filipino taon-taon at karamihan sa mga namatay ay hindi nila alam na meron silang hypertension dahil wala silang kakayahang magpacheck-up upang mabigyan ng maintenance at makontrol ang kanilang sakit.
Taon-taon ay 500,000 hanggang 600,000 ang namamatay dahil sa iba’t ibang sakit sa Pilipinas at 46% daw sa mga yan ay dahil sa hypertension. Kaya duda ng mga kausap ko, baka sa highblood nga namatay ang karamihan sa mga tinamaan sa COVID-19 dahil lalo silang na-stress nang malaman nila na nagpositibo sila sa sakit.
Hindi ba laging sinasabi ng mga duktor sa mga namatayan, bago nagkaroon ng pandemya na ang kanilang pasyente ay nagkaroon ng iba’t ibang kumplikasyon kaya siya namatay?
Kaya dapat siguro gumawa ng video ang mga health officials para ituro sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin sakaling magkaroon sila ng COVID-19 para maiwasang mastress lalo.
Hindi ubra na sabihan lang ang mga tao na magpatingin sa mga psychologist dahil sa kahirapan at kawalang kakayahan na magkaroon ng konek sa mga ekspertong ito na alam naman natin na iilan lang sila.
Ang tanging sinasabi sa atin ng mga health officials ay pumunta sa ospital kapag nakaramdam ng sintomas ng COVID-19 pero hindi sinasabi kung ano ang dapat gawin para mawala sa sintomas,
Kontrapelo sila sa steam, hindi rin nila inererekomenda na uminom ng mga vitamins na nagpapalakas ng immune system at ayaw rin nila ang mga gamot na mura na pero epektibo dahil ang gusto nila yung mahal at ang mga hospital ang gusto nilang magtuturok sa ‘yo.
