PULIS SABIT NA NAMAN!!!

TINUTUKOY po natin ang nangyaring pagkamatay ng isang lalaki na may sakit na autism sa Valenzuela City kamakailan.

Nang-raid daw ang mga pulis sa isang tupada sa nabanggit na lungsod na ikinamatay ng lalaking may autism.

Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, may nakakita raw na talagang binaril ng pulis ang biktimang 18 anyos na si Edwin Arnigo.

Kung ordinaryong raid ‘yon sa mga nagtutupada bakit kailangang mamaril ng pulis?

May banta ba sa kanilang buhay sa lugar na yun kaya inunahan na nila itong si Edwin?

Sabi pa ng mga kamag-anak ng biktima, paano manlalaban si Edwin sa mga pulis eh may autism daw ito. Bukod doon ay patpatin din daw ang kanilang kaanak kung ikukumpara raw sa pulis na bumaril sa kanya.

Ang hindi pa nagustuhan ng mga kaanak ng biktima ay hinila pa raw ng pulis ang bangkay ng biktima.

Hindi pa man umiinit ang puwet ni General Guillermo ­Eleazar bilang PNP chief ay nalalagay na naman sa ­kontrobersiya ang kanilang hanay.

Kung may autism ang biktima, ano ang kanyang laban sa mga awtoridad?

Pangalawa, wala naman siyang armas na pwedeng makasakit sa pulis.

Hindi naman siguro trouble maker ang biktima.

Kaya kahit ano pa ang ­sabihing dahilan ng mga pulis na kaya nila pinatay ang biktima ay dahil nanlaban ito sa kanila, hindi kayo

paniniwalaan ng ­taumbayan, dahil ang pumapatol sa kulang-kulang ay mas kulang-kulang pa sa kanyang pinatulan.

Pwede nyo naman siya pahinahunin, bakit pinatay nyo pa?

Panahon na siguro na bigyan ng batuta ang mga pulis para hindi konting kibot lang ay mamamaril na kayo ng tao. Iwasan ninyo ang pagiging ­trigger happy ninyo. Hindi lahat ng panahon ay dapat gamit nyo ang inyong mga baril. Lalo na kung wala namang baril ang tao, bakit gagamitan mo ng baril? Imbes na baril gamitan mo siya ng batuta.

Kayo namang mga opisyal na nakakasakop sa inyong mga tauhan, ‘wag nyo sila kunsintihin sa kanilang mga maling gawain.
Pag mali, mali! Hindi yung pagtatakpan nyo pa.

Bakit sa Amerika at iba pang mayayamang bansa ay may batuta ang kanilang mga pulis? Bakit hindi natin gawin dito sa Pilipinas yan? Nung araw naman ang mga pulis ay may batuta naman.

May mga awtoridad kasi ngayon na ang pakiramdam nila ang kanilang hawak na armas ay toy gun o water gun lang at hindi nakamamatay.

Pagka ganyan ang pananaw ng ilan nating pulis ay kawawa ang mamamayan.

Marami sa atin ang masasaktan at mamamatay ng ganun-ganun lang.

Kaya dapat sa ­nakabaril kay Arnigo ay patawan ng pinakamabigat na parusa.

Ang nangyayari kasi paulit-ulit na lang at hindi natutuldukan.

“To Serve and Protect” ang trabaho nyo hindi patayin ang kawawang sibilyan.

Ngayon masusubukan si Gen. Eleazar kung papaano niyang makokontrol ang mga ­pasaway na nasa hanay ng pulisya.

Matagal nang uhaw ang taumbayan sa maayos na serbisyo ng pulisya. ­Maraming mga pulis ang inirereklamo sa kanilang mga lugar dahil sa ­pagiging abusado ng mga ito. Paano kayo igagalang kung ganyan lagi ang makikita sa inyo?

Maraming gustong maging pulis na matitino naman, ‘wag nyo panghinayangan ang mga bulok na pulis na parang anay na sumisira sa nakararami. Sibakin nyo palitan nyo ng bago.

Dapat sa mga hepe nila ay laging paalalahanan ang kanilang mga tauhan na maging magalang sa taumbayan. Wag nilang isipin na mas makapangyarihan sila sa sibilyan.

Kabilang kayo sa mga public servant, hindi kayo ang amo ng sibilyan.

Kaya ngayon pa lang putulin na ang sungay ng mga pasaway na pulis!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

130

Related posts

Leave a Comment