TULAD ng inaasahan, inilusot sa ikalawang pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 2 o Economic Charter Change (Cha-Cha) na inakda mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang nasabing panukala noong Miyerkoles ng gabi matapos ang debate at inaasahan na isasalang sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo bago ang sine die adjournment.
Gayunpaman, nangangailangan ng 225 votes o ¾ sa 300 miyembro ng Kamara ang nasabing panukala para maipasa ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Base sa patakaran ng Kongreso, anomang pagbabago sa Saligang Batas ay kailangan ng ¾ votes sa lahat ng miyembro ng kapulungan taliwas sa ordinaryong panukala na majority vote lamang ang kailangan.
Sa ilalim ng nasabing panukala ni Velasco, aamyendahan ang mga economic provision sa 1987 Constitution upang mawala ang hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang negosyante sa Pilipinas.
Kabilang dito ang pagtanggal sa 60-40 provision kung saan 40% lamang ang puwedeng ariin ng mga negosyante na magpapasok ng negosyo sa bansa habang ang natitirang 60% ay pag-aari ng Filipino counterpart ng mga ito.
Nais ng Kamara na magkaroon ng 100% ownership ang mga dayuhang negosyante sa negosyong ipapasok sa bansa at papapasukin din ang mga ito sa mga industriya na tanging Filipino lang ang dapat magmay-ari tulad ng media, communication industry, education, at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)
