NANINDIGAN si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na wala siyang pinipiling oras o araw basta para sa pagsiserbisyo sa mga kababayan.
Sinabi ni Go na ayaw na niyang patagalin pa ang isang trabaho basta para sa mga Pilipino lalo na ngayong nahaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic.Ayon kay Go, basta akma at naaayon sa polisiya ang kanyang ginagawa ay hindi na siya nagsasayang pa ng oras dahil buhay ng mga kababayan ang nakasalalay.
Ipinaalala ni Go na marami na rin siyang nai-file na mga panukala na hindi pa nadidinig sa ibang committee pero kailangan niyang igalang ang discretion ng Committee Chairman.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na pagdating sa mga health-related bills, kailangan ng pruweba ang bawat niyang claim dahil ayaw niyang dalhin sa plenaryo ang isang panukala na hindi suportado ng mga local government units na nakakasaklaw.
Hindi din aniya masisisi ang mga LGUs na matagalan na magsumite ng mga kinakailangang requirements lalo na at nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Inihalimbawa ni Go noong nakaraang taon nang makumpleto ang mga requirements kaya na-isponsoran ng kanyang komite ang 11 local hospital bills at tuluyang naisabatas.
Samantala, binigyan diin ni Go ang kanyang pasasalamat sa iginagalang na Minority Leader ng Senado noong sinabi nitong tutulong na siya para maipasa ang mga panukala. (ESTONG REYES)
