MAGSASAKA, BATA BINOGA NG ARMADO

BATANGAS – Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pamamaril ng hindi kilalang mga suspek na ikinasugat ng isang magsasaka at anak nitong 10-anyos na bata habang naghahapunan sa kanilang bahay sa Brgy. Quilo-Quilo South sa bayan ng Padre Garcia sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng Padre Garcia Municipal Police ang mga biktimang sina Gerardo Magadia y Mendoza, 43, at Bryan Magadia y Sanchez, 10, kapwa naninirahan sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat, naghahapunan ang mag-ama bandang alas-7:30 ng gabi nang dumating ang armadong mga lalaki at pinagbabaril ang mga biktima.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na direksyon.

Isinugod ang mga biktima sa Christ the Savior General Hospital para malapatan ng lunas.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang posibleng motibo sa krimen ng mga suspek na pinaghahanap na ng mga awtoridad. (CYRILL QUILO)

106

Related posts

Leave a Comment