IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Philippine National Police (PNP) ang pagtugon sa naging kautusan ng Court of Appeals na alisin na sa “narcolist” ng gobyerno ang pangalan ni dating CA Justice at ngayo’y Leyte Rep. Vicente Veloso III.
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, ito’y lawful order mula sa korte maliban na lamang kung may aapela.
“We leave that for the PNP to comply with because that’s a lawful order from the courts, unless there will be an appeal,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Sa ulat, kinatigan ng CA former Special Eighth Division ang petition for habeas data ni Veloso.
Inatasan ng CA ang respondents na sirain ang lahat ng mga dokumento, records, at impormasyon kung saan nakasaad ang pangalan ni Veloso sa March 14, 2019 narcolist.
Hindi rin anila dapat isama ang pangalan ni Veloso sa anomang “derogatory list” na bigong makasunod sa due process.
Naniniwala ang CA na ang naturang narcolist ay naging banta sa “right to privacy, liberty and security” ni Veloso.
Gayunman, nilinaw ng CA na ang habeas data privilege ay hindi balakid para sa paghahain ng reklamong kriminal laban kay Veloso sakaling may mabigat na ebidensya na magpapatunay na protektor umano siya ng sinasabing drug lord na si Kerwin Espinosa.
Si Veloso ay kabilang sa “narco-politicians” sa bansa na ibinunyag noon ni Pangulong Duterte. (CHRISTIAN DALE)
