AKSYON AT TAGUMPAY DAPAT IPAGPUGAY

“LIVE your belief and you can turn the world around”, minsang sinabi ni Henry David Thoreau.

Ang nasabing pahayag ay puwedeng maging inspirasyon hanggang ngayon dahil sa napakagandang aral nito.

Kaya, malaki ang pasasalamat ko dahil habang isinasagawa ang aming ­programa sa radyo ay nailigtas namin ang isang OFW na anim na araw nang nagkulong sa kanyang kuwarto dahil siya ay tinangkang ibenta umano ng kanyang amo sa ibang employer.

Ang mabilis na aksyon ni Atty. Llewelyn Perez, Kuwait Welfare Officer ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ay naging inspirasyon sa amin dahil agad niyang tinawagan ang “distressed OFW” nating kababayan sa Kuwait nang mabatid niya ang kalunus-lunos na kalagayan ng nasabing OFW.

Mahusay ang OWWA sa Kuwait dahil walang tigil ang pagtulong sa mga Kabayani nating OFW na kailangan nang makauwi sa Pilipinas.

Kamakailan lang ay umabot sa 347 ang bilang ng mga OFW na napauwi nila sa Pilipinas.

Tagubilin ni Perez na lubos na mag-ingat ang ating mga Kabayaning OFW mula sa mga manloloko sa online na nag-aalok ng trabaho, o sideline na “immoral”.

Kaagapay ni Perez ang masipag ding si Labor Attache Nasser Mustafa dahil walang tigil ang pagtulong nito sa mga OFW.

Samantala, naghatid naman kami ng kapanatagan ng loob sa mga Kabayani nating OFW sa Bohol.

Sa imbitasyon nina Bohol Second District Rep. Aris Aumentado, Ubay Mayor ­Constantino Reyes at Buenavista Mayor Dave Duallo, nakadaupang palad natin ang mga Kabayaning hindi pa nakatatanggap ng ayuda at marami pang tanong sa gobyerno.

Nakalulungkot na malamang marami pa palang ­bayan sa Bohol ang hindi inabot ng mga impormasyon ukol sa ­programang “Tulong Puso”.

Ito ang dahilan kung bakit nagboluntaryo at gumagastos ang AKO OFW mula sa ariling bulsa nito upang tulungan ang OWWA sa pagpapalaganap ng mga impormasyon ukol sa mga programang maaaring matangap ng mga bagong bayani mula sa OWWA.

Sa kabilang dako, kaisa tayo sa tagumpay ng mga bayaning OFW katulad ni Nald Santos na kamakailan ay nagbukas ng sariling negosyo sa Lipa, Batangas.

Saludo tayo sa ibinigay na inspirasyon ng mga OFW tulad ng nasabing dating OFW na nagsikap hanggang sa nagpunyagi sa buhay para magkaroon ng sariling negosyo.

Malaking tulong ang grupong AKO OFW sa mga ganitong tagumpay ng ating mga Kabayani.

129

Related posts

Leave a Comment