Sugatan umabot sa pito KABAHAYAN NADAMAY SA NASUNOG NA BARKO

UMABOT na sa pito ang iniulat na nasugatan habang ilang bahay ang nadamay sa nasunog na cargo ship sa ilalim ng Delpan Bridge sa Tondo, Manila noong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nasunog ang cargo ship na MV Titan 8 bandang alas-8:46 ng umaga na umabot sa ikatlong alarma pasado alas-9:11 ng umaga.

Bandang alas-12:44 ng tanghali nang tuluyang sumabog ang cargo ship at nilamon ng apoy ang kabuuan nito.

Ayon naman sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa ikalimang alarma ang sunog na idineklarang fire-out dakong alas-2:57 ng hapon.

Habang nawawala naman ang isang nagngangalang Edmund Palanca, 50, pasahero ng cargo ship.

Magugunitang naliligo ang master ng cargo vessel nang makarinig ng pagsabog kaya agad siyang tumalon sa dagat gayundin ang iba pang mga tripulante.

Nagtulong-tulong naman ang mga tauhan ng BFP, PCG, Marines at Environmental Protection Command (MEPCOM) na naglagay ng anim na segments ng oil spill boom para makontrol ang oil spill sa dagat.

Habang sinagip ng PCG gamit ang dalawang aluminum boats, ang mga biktima. (RENE CRISOSTOMO)

219

Related posts

Leave a Comment