Sa Biñan City anti-drug ops BALANG TUMAMA SA 16-ANYOS, MULA SA BARIL NG PULIS

MULA sa baril ng isang miyembro ng Biñan City Police ang tumamang bala kay Jhondie Maglinte Helis, ang binatilyong napatay sa anti-illegal drug operation sa Biñan City, Laguna noong Hunyo 16.

Ito ang naging resulta sa ballistics examination at cross-matching sa slug na nakuha sa katawan ng menor de edad sa pagpapatuloy ng isinasagawang imbestigasyon ng binuong Fact-Finding Investigation Task Group.

Si Helis at ang target ng operasyon na si Antonio Dalit ay parehong tinamaan ng dalawang bala ng .45 kalibreng base sa autopsy report ng RCLO4A.

Nasa 11 baril na mula sa operating team ang isinumite para sa ballistics examinations at cross-matching.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, natukoy rin na ang baril na ipinutok kay Helis ay pag-aari ng isang hindi pa pinangalanang operatiba na may ranggong Police Senior Master Sergeant.

Pareho namang nagpositibo sa gunpowder nitrates sina Helis at Dalit sa paraffin tests na isinagawa sa kanilang mga labi.

Ayon pa kay Eleazar, ngayong natukoy na kung sino ang bumaril at nakapatay sa binatilyo, inaalam pa kung totoong nakipagbarilan ang dalawang suspek.

Ang isa pang tinututukan ng Fact-Finding Investigation Task Group ay ang alegasyon na nakaposas na umano si Helis nang ito ay barilin.

Ngunit ayon kay Eleazar, walang pang testigong lumulutang para patunayan ang bintang.

 “Hanggang ngayon ay hindi pa din malinaw kung ano ang tunay na nangyari. Nananawagan po ang PNP sa mga kinauukulan na agad idulog sa mga awtoridad kung tayo po ay may nalalaman na mahalagang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon. Tinitiyak ko ang inyong proteksyon,” ayon kay P/Gen. Eleazar.

“Pero patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kasong ito at kami ay umaasa na may mga testigo na magbibigay pahayag upang bigyang linaw ang insidenteng ito. Ang gusto ko lang ipaabot sa ating mga kababayan ay hindi natin makakamit ang katotohanan at hindi natin makukuha ang hustisya kung mananahimik lang tayo,” dagdag pa ng heneral. (NILOU DEL CARMEN)

344

Related posts

Leave a Comment