IPINARATING sa akin ng aking kaibigang volunteer advocate na si Marilou Cabotage ang pakiusap at sumbong ng isang Hanna Grace Mendoza.
Si Hanna ay OFW na nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia mula noong Hunyo 28, 2019, sa pamamagitan ng Jobstar International Manpower.
Natapos niya ang dalawang taong kontrata, kaya inaasahan niya na makauuwi na siya sa Pilipinas upang kanyang maalagaan ang kanyang mga anak.
Ang kasalukuyang nag-aalaga sa mga anak niya ay ang kanyang ama na na-diagnose mula sa sakit na tuberculosis.
Ngunit, kahit na tapos na ang kanyang kontrata ay ayaw pa siyang pauwiin ng kanyang amo at ang lagi nitong ikinakatwiran na mahal pa ang ticket ng eroplano, kaya kinakailangan na mag-antay pa siya ng anim na buwan para makauwi sa Pilipinas.
Hindi na gusto ni Hanna na magtagal pa ng anim na buwan sa kanyang amo dahil bukod sa pag-aalala sa kapakanan ng kanyang mga anak, sobrang napapagod na siya sa mga gawaing bahay.
Hindi rin umano regular na ibinibigay ang kanyang buwanang sweldo.
Katunayan, dalawang buwang sweldo niya ang hindi pa naibigay ng kanyang amo.
Dagdag pa ni Hanna “Sana po matulungan n’yo na po akong makauwi sa Pilipinas. Natatakot din po ako na anytime alisin po nila koneksiyon ko sa wifi, wala na po akong kontak sa pamilya ko. Kinausap ulit ako ng amo kung lalaki at pinipilit akong magstay at magtrabaho pa, pero sabi ko ayaw ko na po. Galit na galit at pag mag-utos lagi po akong sinisigawan. Natatakot po ako baka kung ano po gawin sa akin. Please tulungan n’yo po ako. Nagmamakaawa po ako”.
Ang sumbong ni Hanna ay aking ipinarating sa overseas operation director ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang makipag-ugnayan sa kanyang Saudi recruitment agency at sa employer.
Gayundin, pinakiusapan ng AKOOFW ang Jobstar International Manpower Agency upang mamagitan para kay Hanna at mapakiusapan ang kanyang employer na siya ay maiuwi sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Hindi natin masisisi si Hanna sa kanyang pagnanais na makauwi agad sa Pilipinas dahil lubha siyang nag-aalala sa kapakanan ng kanyang mga anak na tanging dahilan kung bakit siya nangibang bansa.
Bawat OFW ay may tatlong dahilan lamang para magtungo sa ibang bansa.
Una ay ang mapag-aral kanyang mga anak.
Ikalawa ay magkaroon ng kahit maliit na hanapbuhay, o negosyo.
At ang ikatlo ay magkaroon ng sariling tahanan.
343 