HINIKAYAT ni Senador Grace Poe ang lahat ng local government units na tiyaking “guwardiyado” ang sensitibong health data sa vaccination cards upang maiwasang mapirata ang kanilang impormasyon.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na habang bumibilis ang pagbabakuna ng pamahalaan laban sa COVID-19, pinagkakatiwalaan natin ang LGUs na nakapaglikha ito ng sistema upang matukoy kung sino ang natapos ng una at ikalawang dose.
Aniya, maganda ang standard digital certificate na ipinamamahagi, kaya dapat may integridad at proteksiyon ang paper record na ibinibigay sa taong bakunado laban sa manipulasyon at pang-aabuso.
“Dapat kasabay ang mahigpit na pagtatago ng records at dokumentasyon ng vaccination cards upang magarantiya na guwardiyado ang mga sensitibong health data ng ating mamamayan,” ayon kay Poe.
Ipinaliwanag pa ni Poe na sa ilalim ng Vaccination Program Act na pinagtibay ng Kongreso, hindi lamang layunin nito na mapabilis ang pagbili ng bakuna kundi matiyak ang mahusay na implementasyon ng kabuuang ng inoculation process kabilang ang pagbibigay ng vaccination card. (ESTONG REYES)
