School electrification ng One Meralco Foundation, malaking tulong ngayong pandemya

Ngayong pandemya, isang matinding hamon para sa mga guro at mag-aaral sa mga malalayong paaralan sa bansa ang kawalan ng access sa kuryente.

Bago pa man dumating ang COVID-19, libu-libong pampublikong paaralan na sa bansa ang walang power supply. Karamihan sa kanila ay matatagpuan sa ilan sa mga pinaka-malalayong isla at kabundukan sa bansa.

Isa na rito ang Corocawayan Elementary School sa isla ng Camandag, Sto. Nino, Samar.  Ang mismong isla ay dalawang oras kung babangkain mula sa mainland kaya naman hindi ito maabot ng serbisyo ng kuryente.

ISA ang Corocawayan Elementary School sa isla ng Camandag, Sto. Niño, Samar sa mga nabiyayaan ng School Electrification Program ng One Meralco Foundation (OMF).

Ang mga residente rito ay umaasa lamang sa iilang kapitbahay o sa barangay na may sariling generator para kahit papaano ay magkaroon ng kuryente ang kanilang mga tahanan kahit sa loob lamang ng ilang oras bawat araw.

Ngunit dahil hindi biro ang gastos ng pagpapatakbo ng generator, napipilitan ang mga ito na limitahan ang operasyon sa loob lamang ng apat hanggang limang oras bawat gabi. Dahil dito, walang kuryenteng nagagamit sa maghapon ang walong paaralan sa isla.

“Napakahirap talaga ng sitwasyon dito lalung-lalo na sa aming mga mag-aaral. Sa ibang lugar, bihasang bihasa na ang mga bata sa paggamit ng mga makabagong kagamitan sa pag-aaral tulad ng mga computer at internet. Ngunit dito sa amin, kahit kaming mga guro ay walang magawa kundi bumalik sa tradisyunal na paraan sa pagtuturo dahil walang kuryente,” saad ni Dennis Cubelo, principal ng Corocawayan Elementary School.

Bagama’t tubong Leyte, dating seminarista sa Maynila si Cubelo. Matapos ang ilang taon sa seminaryo, napag-isip isip niyang tila ibang misyon ang kanyang nais tahakin. Kaya nag-desisyon siyang umalis sa pagpapari at mag-trabaho bilang isang guro.

LABIS ang pasasalamat ng mga guro sa Corocawayan Elementary School dahil malaking ginhawa sa kanilang pagtuturo at

sa kanilang mga estudyante ang tulong na ipinagkaloob ng OMF.

“Sa totoo lang kaya ko naisipang mag-pari dahil gusto kong makatulong sa paghubog sa kinabukasan ng mga kabataan. Kaya noong lumabas ako sa seminaryo, naisip ko na magturo dahil ito ay malapit sa aking unang napiling bokasyon,” dagdag ng guro.

Matapos magturo sa isang pribadong institusyon sa Maynila, nagdesisyon si Cubelo na bumalik sa probinsya dahil napagtanto niyang doon siya mas kailangan. Sa isla ng Camandag siya unang na-assign bilang guro hanggang sa siya ay umangat sa pagiging punong-guro.

Ayon kay Cubelo, bagama’t nakikita niya ang pagsisikap ng mga mag-aaral sa isla na umangat ang antas ng kanilang karunungan, batid niyang kailangan nilang humabol pagdating sa karanasan sa makabagong teknolohiya.

Lalo pang naging matindi ang kanilang pagsubok nang pumasok ang COVID-19 pandemic.

Noong 2020, alang-alang sa kaligtasan ng mga guro at mag-aaral, nag-desisyon ang Department of Education (DepEd) na i-adopt ang “blended learning” kung saan ang mga mag-aaral ay magpapatuloy sa kanilang mga aralin sa bahay. Ang mga guro naman ay naatasang mag-download at mag-reproduce ng mga learning materials na ipamamahagi sa kanilang mga estudyante.

Bago mag-pasukan, hindi malaman ni Cubelo kung paano nila ipatutupad ang “blended learning” sa kanilang paaralan, lalo na’t wala silang kuryente at sapat na kagamitan tulad ng mga laptop at printer. Mahina rin ang internet connection sa isla.

Bago ang pandemya, kinailangan nilang tumawid ng dagat sa tuwing kailangan nilang gumamit ng computer o printer sa mainland at makapag-internet. Kung gagamit naman sila ng generator, halos dalawang libo bawat araw ang nagagastos nila dahil mahal ang upa nito at ang krudong kailangan para rito.

ANG 1-kilowatt solar power equipment na ikinabit ng OMF na makapagpapailaw sa paaralan.

Kaya naman isang malaking biyaya para sa kanila ang pagdating ng donasyong solar photovoltaic (PV) system ng One Meralco Foundation (OMF)  isang buwan bago ang pasukan.

Sa ilalim ng adbokasiyang School Electrification Program, kinabitan ng 1-kilowatt solar power equipment ng OMF ang Corocawayan Elementary School at ang iba pang mga paaralang walang kuryente sa bayan ng Sto. Nino, Samar at karatig na lalawigan ng Masbate.

Mula 2011, mahigit 260 paaralan na sa buong bansa ang napailawan ng OMF sa pamamagitan ng solar power. Kabilang sa mga nakinabang ang mga paaralan sa Calayan Island sa Luzon hanggang sa pinakadulong isla ng Tawi Tawi, Sitangkai Island, sa Mindanao.

Bukod sa solar PV system, binigyan din ang bawat eskwelahan ng isang multimedia package na mula naman sa donasyon ng mga kawani ng Meralco, sa pamamagitan ng Meralco Employees Fund for Charity, Inc. (MEFCI).

Mula nang umpisahan ng OMF ang programa nito mahigit sampung taon na ang nakararaan, mahigit sa 80,000 mag-aaral na sa buong bansa ang nabiyayaan ng liwanag na hatid ng solar power. At dahil hindi nito kailangan ang gasolina o krudo, hindi ito nakasasama sa ating kalikasan at libreng nagagamit ng mga guro at mag-aaral ang kuryenteng hatid nito.

215

Related posts

Leave a Comment