Nagpakalat ng ‘No bakuna, no ayuda” 5 KINASUHAN SA FAKE NEWS

INILAHAD ng Malakanyang na naghain na ng kaso ang pulisya laban sa limang indibidwal na umano’y nagpakalat ng fake news na may kinalaman sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Isinisisi ng mga opisyal ng pamahalaan ang kumalat na fake news sa social media na ang mga unvaccinated na mamamayan ay hindi makalalabas ng kanilang bahay habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) dahilan para dumagsa ang mga tao sa vaccination centers sa Maynila at Las Piñas City sa Kalakhang Maynila at Antipolo City sa Rizal.

Kumalat din ang fake news na hindi makakukuha ng ayuda ang mga hindi bakunado laban sa COVID-19 na ipamimigay sa panahon ng ECQ.

“The police has said that cases have been filed against five people for unlawful utterances,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Tinukoy ni Sec. Roque ang impormasyon mula sa Philippine National Police-Directorate for Investigation and Detective Management (PNP-DIDM).

“To the peddlers of fake news, mahahanap po kayo, sasampahan po kayo ng kaso, ikukulong po kayo,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Balik sa pinakamahigpit na kwarantina o enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) simula Agosto 6 hanggang 20.

Ang hakbangin na ito ay mula sa panawagan ng OCTA Research Group sa national authorities na mag-impose ng two-week “circuit-breaker” o hard lockdown bunsod ng pagkalat ng transmissible na Delta variant COVID-19 sa bansa.

Bukod sa Metro Manila, isinailalim din sa mas mahigpit na enhanced community quarantine ang Laguna, Cagayan de Oro at Iloilo City simula sa Agosto 6 hanggang 15, 2021 para mapigilan ang pagsipang muli ng COVID-19 cases dahil sa mas nakahahawang Delta variant.

Ani Sec. Roque, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na isailalim sa ECQ ang nabanggit na dalawang lalawigan at isang lungsod. (CHRISTIAN DALE)

103

Related posts

Leave a Comment