NASUNOG ang bahagi ng National Archives of the Philippines sa Paco, Manila, nitong Linggo ng madaling araw.
Base sa report ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado ala-1:00 nang sumiklab ang sunog sa ikaanim na palapag ng PPL Building sa UN Avenue sa Paco, na inookupa ng National Archives of the Philippines, na mayroon ding tanggapan sa unang palapag ng gusali.
Nagsimula umano ang sunog sa Chief Administrative Office ng ahensya.
Dahil nasa mataas na bahagi ng building ang apoy, kinailangang gumamit ng platform aerial ladder ang mga bumbero upang maapula ang sunog na tumupok umano sa computer sets at mga dokumento sa tanggapan.
Kinailangan din umanong basagin ng mga bumbero ang bintana para makalabas ang usok at makapasok sila sa gusali.
Ayon sa BFP, makalipas ang dalawang oras ay naapula nila ang sunog, na umabot lamang sa unang alarma.
Walang nasaktan sa insidente dahil wala naman umanong tao sa gusali nang mangyari ang insidente.
Sa pagtaya naman ng mga bumbero, aabot sa P800,000 ang inisyal na pinsala ng sunog.
Hindi pa umano tukoy kung anong mga dokumento ang tinupok ng apoy.
Inaalam pa ng BFP kung ano ang sanhi ng nasabing sunog.
Nabatid na ang National Archives ay tagatago at tagapangasiwa ng mga dokumento ng iba’t ibang ahensya sa bansa kabilang ang historical records.
Wala pang pahayag ang National Archives of the Philippines na magsisimula sana ng virtual seminar ukol sa records counter disaster preparedness ngayong Lunes. (RENE CRISOSTOMO)
