TOTOONG nangangailangan ang Pilipinas ng mga investor pero ‘yung mga investor na maglalagak ng malaking puhunan at magtatayo ng negosyo sa ating bansa para mabigyan ng trabaho ang mga Filipino at pagkukunan ng buwis.
Pero hindi tulad ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na P620,000 lang ang puhunan… pondo na hindi kayang magtayo ng isang maliit na negosyo para mag-empleyo ng mga Filipino.
Hindi ‘yan ang klase ng mga investor ang hinahanap ng mga Filipino kundi ‘yung magtatayo ng mga pabrika, at industriya para makapagbigay ng trabaho sa mga tao at income sa gobyerno.
Kahit sa kategoryang micro, small and medium enterprises ay hindi makakapasok ang Pharmally pero ang suwerte ng kumpanyang ito dahil sa loob lang ng halos isang taon, kumita na ang mga ito ng bilyon-bilyon.
Ang maliliit ng mga negosyante, inaabot ng isang dekada bago lumaki ang kanilang negosyo at mabawi ang kanilang puhunan lalo na kung mayroon silang binabayarang utang sa bangko.
Pero itong Pharmally, naka-jackpot agad dahil sa kahit napakaliit ang kanilang puhunan nakakuha sila ng kontrata sa gobyernong Duterte na nagkakahalaga ng P8.7 billion.
Mantakin mo, halos isang taon pa lang mula nang iparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang negosyo, naka-tsamba agad sila ng napakalaking kontrata at mula sa P620,000 assets naging multi-milyong piso na agad ang kanilang kumpanya.
Walang maniniwala na hindi nagamitan ng impluwensya ang kontratang nakuha ng Pharmally sa Procurement Service of Department of Budget and Management (DBM) lalo na’t ang isa sa may-ari ng kumpanyang ito ay si Michael Yang na economic adviser ni Pangulong Duterte.
Kahit ang mga kumpanyang matatagal na sa industriya, hindi basta-basta nananalo ng ganitong kalaking kontrata sa gobyerno. Dadaan sila sa butas ng karayom kung wala silang koneksyon.
Pero nang magpaulan ng swerte ang Duterte administration lalo na si dating PS-DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao at kung sino mang amo nito, nahagip lahat ng Pharmally ni Yang. Yan(g) ang suwerte!
Ang masakit lang sa loob, pinaboran ang mga Chinese national na ito kumpara sa mga negosyanteng Filipino na dapat una nilang tinutulungan lalo na sa panahon ng pandemya para hindi ma
walan ng trabaho ang mga Filipino.
Nasayang ang pagkakataon sana ng mga negosyanteng Pinoy na mapalaki ang kanilang negosyo at hindi sana nagbawas ng manggagawa sa gitna ng pandemya kung sa kanila ibinigay ang
kontratang ito.
Ang daming trabaho ang magagawa sana ng P8.7 billion na kontratang ibinigay ng gobyernong Duterte sa kumpanya ni Yang pero malas lang ang mga Pinoy dahil wala silang direktang koneksyon sa Pangulo at mga taong nakapaligid sa kanya.
Dapat sa ganitong mga pagkakataon, inuuna muna ang mga Filipino pero sa nangyayari mas inuna pa ang mga kumpanya na manufacturer ng face mask at face shield mula sa China.
Malinaw sa imbestigasyon na inangkat lang ng Pharmally sa China ang mga face shield at face mask kaya ang kumita ay Chinese na naman imbes ang mga Pinoy na gumagawa rin ng dekalidad na personal protective equipment (PPEs) at nagbebenta ng mas mura.
Gaano ba kalaki ang utang na loob ng gobyerno sa China na dapat lahat ng kailangan sa paglaban sa COVID-19 na nagsimula sa kanilang bansa, ay kailangang manggaling sa kanila? Nagtatanong lang!
