4 TULAK LAGLAG SA PNP BICOL, PDEA

APAT na bigtime drug personalities ang nadakip ng mga operatiba ng PNP-Police Regional Office 5, sa pamumuno ni Regional Director

Jonnel C. Estomo, at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa inilunsad na anti-narcotics operations.

Kabilang sa mga nadakip ang umano’y notoryus na drug pusher sa probinsya ng Catanduanes na kinilalang si Godofredo Bagadiong y Guerrero Jr., 49, residente ng Phase 2, Brgy. Lictin, bayan ng San Andres.

Si Bagadiong ay nahulihan ng 15 gramo ng umano’y shabu na P102,000 ang halaga, ng pinagsanib na puwersa ng San Andres MPS, PPDEU, RPDEU5 at PDEA RO5.

Sa probinsya ng Sorsogon, nasakote ng pinagsamang mga operatiba ng Sorsogon PPO, RID, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ROV, ang isang suspek na nakatala sa Provincial Recalibrated Priority Database on Illegal Drugs, dakong alas-10:15 ng umaga na kinilalang si Roberto Jamisola Camposano Jr., alyas “Fungar,” 40, residente ng Brgy. Sirangan, East District, Sorsogon City.

Sa Naga City, wala ring kawala ang isa ring nakatala sa Recalibrated Database on Illegal Drugs nang mabitag sa inilatag na buy-bust operation ng Naga City Police Office dakong alas-4:40 ng hapon sa Zone 2, Gumamela St., Brgy. Triangulo, Naga City na kinilalang si Christian Agustin Roco y Macapagal, 32, residente ng Zone 7, Brgy. San Felipe, na nakumpiskahan ng 5 gramo ng umano’y shabu.

Nakumpiska naman sa isang suspek na kinilalang si Juan Pellejero y Doma, 46, ang tinatayang 55 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P374,000 ang halaga, sa ikinasang entrapment operation ng Pasacao MPS, PDEA Camarines Sur at at Camarines Norte dakong alas-7:05 ng gabi sa Zone 9, Brgy. Caranan, Pasacao, Camarines Sur.

Ang nahuling mga suspek ay dinala na sa himpilan ng pulisya kasama ang mga ebidensyang nakuha mula sa kanila. Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa mga ito.

Ang tagumpay na ito ay parte lamang ng pinalawig na kampanya ng PNP Bicol kontra kriminalidad partikular na ang kampanya kontra ilegal na droga, ani P/BGen. Estomo.

“Ang ating tungkulin ay ‘di nagtatapos sa pagkakahuli sa mga drug pusher na ito, sisiguraduhin nating matuturuan sila ng leksyon nang ‘wag nang paulit-ulit na bumalik sa ilegal nilang gawain. Muli, hinihingi ko ang suporta at kooperasyon ng komunidad at iba pang ahensya ng gobyerno upang ganap na maisakatuparan ang ating hangarin na linangin

ang ating rehiyon at sugpuin ang impluwensya ng ipinagbabawal na gamot,” ayon kay P/BGen. Estomo, RD, PRO5. (JESSE KABEL)

162

Related posts

Leave a Comment