50 mangingisda nasagip 14 DEATH TOLL KAY JOLINA, 7 PA MISSING

UMABOT na sa 14 katao ang iniulat na namatay habang pitong iba pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Jolina sa Visayas Region, ayon sa ulat na nakalap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa ulat ng NDRRMC, 20 katao naman ang iniulat na nasugatan dahil sa bagyo habang 109,680 indibidwal o 28, 444 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa Central Luzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Soccsksargen, at National Capital Region.

Nananatili naman sa 245 evacuation centers ang 9,797 katao o 2,580 pamilya.

Samantala, itinaya ng mga kagawad ng Philippine National Police kanilang sariling buhay para masagip naman ang 50 mangingisda na nangangailangan ng tulong sa gitna ng dagat habang nananalasa ang Typhoon Jolina sa Samar.

Sinabi ni PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kahanga-hanga ang ginawa ng mga pulis at ipinakita nila kung ano pa ang magagawa nila sa ngalan ng paglilingkod sa bayan.

Nasa 50 mangingisda ang nasagip sa mga lalawigan ng Samar at Leyte ngunit sa kasamaang palad ay apat na bangkay ang narekober ng mga pulis. Gamit ng mga tauhan ng Sto. Niño Municipal Police Station ang

kanilang patrol boat at makeshift rescue equipment nang saklolohan nila ang 50 mangingisda na nilalaro ng malalaking alon habang binabayo ng bagyo ang kanilang lalawigan.

“Bilang ama ng inyong Philippine National Police, ikinararangal at ipinagmamalaki ko ang kabayanihang ipinakita ng ating mga pulis sa Sto. Niño Municipal Police Station sa pagliligtas ng ating mga kababayang mangingisda sa gitna ng malalakas na alon gamit ang kanilang patrol boat at makeshift rescue equipment,” wika ni P/Gen. Eleazar.

Dagdag pa niya, “Napanood ko mismo ang video ng isinagawang rescue operation at talaga namang kahanga-hanga ang tapang at determinasyon na ipinakita ng ating mga kapulisan na inilagay sa alanganin ang kanilang mga sariling buhay mailigtas lamang ang buhay ng ating mga kababayan”.

“On behalf of the men and women of the PNP, I commend and express my deepest gratitude to the personnel of the Sto. Niño Municipal Police Station for showing the true meaning of police service. Kayo ang tunay na mukha ng PNP, ang mga pulis ng Pilipino,” ayon pa kay P/Gen. Eleazar. (JESSE KABEL)

208

Related posts

Leave a Comment