CAVITE – Tinatayang umabot sa P1.58 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa ikinasang magkahiwalay na buy-bust operation na ikinamatay ng dalawang hinihinalang bigtime drug suspects at nadakip ang isang mag-asawa sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Sa unang operasyon, kinilala ang mga napatay na sina Basher Bangon, 50, tubong Cagayan De Oro City, at lider ng Basher Bangon drug group, at Danilo Untavar, 51, ng Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite.
Habang sa ikalawang operasyon ay nadakip naman ang mag-asawang sina Aldwin Micoleta, 47, at Lani Micoleta, 45-anyos.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:27 noong Huwebes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), lead unit sa operasyon; PDEG, PRO4A, NCRPO, Cavite Police Provincial Office (PPO) at Dasmariñas City Police, sa Block 6, Lot 16, Springville Executive 1, Molino 3, Bacoor City, Cavite kung saan target ang mga suspek at tinangkang arestuhin ang dalawa matapos ang transaksiyon.
Ngunit pumalag ang dalawa at tinangkang paputukan ang mga awtoridad kaya gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Nakuha sa dalawang suspek ang 181 kilo ng ng hinihinalang shabu, dalawang baril at dalawang identification cards.
Nabatid na si Bangon ay isang top-level personality at may direct contact sa Chinese drug syndicate at supplier siya ng droga sa Visayas at Mindanao.
Samantala, dakong alas-9:15 noong Huwebes ng gabi, isa pang operasyon ang isinagawa sa Block 6, Lot 2, Topacio Street, Phase 8, Barangay Magdalo, Bahayang Pag-asa, Imus, Cavite na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa mag-asawang Micoleta.
Nakuha sa kanila ay 48 kilo ng hinihinalang shabu, dalawang cellphone, dalawang identification cards, dalawang passbook, pitaka at boodle money
“Sa interview, sinabi ng mag-asawa na inarkila ang kanilang sasakyan dahil mayroon umanong kukunin kung saan isinakay ang isang kahon at tatawagan na lamang umano sila upang kunin kaya inuwi muna nila ito,” ayon sa mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)
