2021 PBA Philippine Cup Finals MAGNOLIA NAMUMURO

ISANG panalo na lang ang kailangan ng Magnolia patungong 2021 PBA Philippine Cup Finals.

Nitong Linggo ay kinubra ng Hotshots ang importanteng ikatlong panalo laban sa Meralco Bolts, 81-69, sa Game 4 ng kanilang best-of-seven semifinal series.

Hindi na nagpatumpik-tumpik ang Hotshots at agad nagpasilab kontra Bolts kung saan ­lumamang sila ng hanggang 22 puntos.

Dahil sa laki ng abante ng Magnolia ay hindi na kinaya ng Meralco na makadikit pa at tuluyang nagkolaps sa Don Honorio Ventura State University gym sa Bacolor, Pampanga.

Sinamantala nina Ian Sangalang, Calvin Abueva at Mark Barroca ang patuloy na pagkawala ni Meralco center Raymond Almazan (suspected fractured cheekbone) nang kumamada ang tatlong Hotshots ng tig-17 puntos upang kunin ang 3-1 bentahe sa serye.

Ayon kay Magnolia coach Chito Victolero, ­inaasahan na niya na gagawin ng Meralco ang lahat sa muling paghaharap nila bukas (Miyerkoles).

Abante ng 22 ang Magnolia, 64-42, sa third period nang magrali ang Meralco sa pangunguna nina Cliff Hodge, Chris Newsome at veteran Reynel Hugnatan at maibaba ang kalamangan ng Hotshots sa lima.

Ngunit nag-regroup ang Magnolia at pumasok ang three-pointer ni Barroca upang muling dumistansya, 77-69, sa nalalabing 2:12 minuto ng laro. Mula rito ay hindi na lumingon pa ang Hotshots.

Nanguna para sa Bolts ang 42-anyos na si ­Hugnatan na kumamada ng 21 points at nine rebounds. Nagdagdag si Hodge ng 13 at 11 points mula naman kay Newsome.

128

Related posts

Leave a Comment