BATAS SA PAUPAHAN NABALEWALA

BINABALEWALA ng mga may-ari ng paupahan sa Metro Manila at iba pang urbanized cities sa buong bansa ang batas sa paupahan o ang Rent Control Act in the Philippines (RA 9653).

Maraming kawawang mga pamilya ang pinaalis sa kani-kanilang mga inuupahang bahay ng kanilang landlords, habang nasa kasagsagan ng lockdown sa buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Halos dalawang taon na ang COVID-19 mula noong Marso 2020, dito rin nagsimula ang kalbaryo ng mga nangungupahan.
Marami ang nawalan ng hanapbuhay o trabaho.

Marami kasi sa mga kumpanya ang pansamantalang nagsipagsara dahil halos lahat ng mga tao ay hindi makalabas sa kani-kanilang mga tahanan dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinabayan pa nang mahigpit na quarantine protocols na ipinatutupad ng gobyerno.

Dahil sa epekto ng COVID-19, marami sa mga negosyo ang tuluyan nang nagsipagsara at hindi na nakabawi sa kanilang pagkalugi.

Umasa na lang sa ayuda ng pamahalaan ang nakararaming Pinoy na hindi naman sapat para masuportahan ang pangangailangan ng mamamayan.
Nariyan pa ang problema sa buwanang renta ng mga nangungupahan.

Kaya karamihan sa kanila ay pinalayas dahil wala na silang maibayad na buwanang renta.

Hindi dapat binabale­wala ang batas sa paupahan o ang Rent Control Act in the Philippines (Republic Act 9653).

Sakop nito ang nangungupahan na may renta na P10K pababa sa Metro Manila at highly urbanized cities sa buong bansa.

Kasama rito ang apartments, boarding houses, bedspace, dormitories, rooms for rent, land or house and lot.

Sa Civil Code of the Philippines naman, nakalagay sa lease provisions ang renta na higit sa P10K sa commercial spaces at rent-to-own units.

May limit ang pagtataas ng renta, sa buwanang renta na P4,999 pababa ay may maximum rent increase lamang na 2%; ang P5,000 hanggang P8,999 ay may maximum rent increase ­lamang na 7%, at ang P9,000 hanggang P10,000 ay pinapayagan lamang ang maximum rent increase na 11% sa loob o isang taon habang okupado ang mga unit.

Hindi rin pinapayagan ng RA 9653 na magtaas ng renta ng dalawang beses sa loob ng isang taon ang bedspace, boarding houses, dorms at rooms na inuupahan ng mga estudyante.

Walang hihingi ng deposit na lalagpas ng 2 buwan at 1 buwang advance.

Kailangan din ang 2 buwang deposit ay nakalagak sa bangko at kung natapos na ang kontrata ang ­nangungupahan ay ma­kukuha niya ang deposit kasama ang interest.

Depende kung wala siyang bayarin na naiwan tulad ng bill ng tubig, ­kuryente, nasira sa unit habang nakatira siya.

Dahil ang kanyang 2 buwang deposit ay gagawing pantapal sa kanilang naiwang mga bayarin.

Wala ring paaalising nangungupahan na walang sapat na basehan, ayon sa RA 9653.

Ito ang dahilan para paalisin ang mga nangungupahan ng may-ari ng unit:

1) Subleasing the property – pinaupahan niya sa iba ang kanyang inuupahan na unit na hindi alam ng may-ari.

2) Overdue rental payments – hindi nakababayad ng 3 buwang renta o higit pa.

3) Owner’s legitimate need to use the property – kung gagamitin ng may-ari ang unit. Pero hindi pwersahan ang pagpapaalis dahil kailangan niyang bigyan ng formal notice ang nag-uupa ng 3 buwan in advance.

4) Necessary house repairs – kung kinakailangang ayusin ang gusali o apartment.

5) Lease contract expiration – natapos na ang kontrata ng nangungupahan.

Nakapaloob din sa RA 9653 na illegal din ang pagpapaalis sa mga nangungupahan na ang dahilan ay pagkabenta at pagkasanla ng gusali o apartment sa third party.

Bagama’t naibenta na at naisanla ang apartment o gusali ay hindi maaaring paalisin ang nangungupahan ng bagong may-ari.

Kung ikaw ay COVID-19 patient o frontliner na hindi nakababayad ng renta sa rason na quarantine period at grace period.

Ang may-ari ay hindi maaaring magpaalis sa ­nangungupahan sa kanya sa panahon ng ECQ, MECQ at GCQ status.

Ang sino mang lalabag sa batas na ito (RA 9653) ay pagmumultahin ng P10k at pagkakakulong ng 2 buwan o pareho.

1015

Related posts

Leave a Comment