(NI JEDI PIA REYES)
MAYORYA o 9 sa 10 Filipino sa buong bansa ang nais na maipagbawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Batay ito sa resulta ng isinagawang survey ng Pulse Asia nuong Enero 16 hanggang 31 ng kasalukuyang taon sa 1,800 respondents at commissioned ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD).
Ayon sa Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia, 91 porsyento ng mga tinanong ay naniniwalang dapat na ipagbawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar habang apat na porsyento ang tutol.
Lumabas din sa survey na 90-porsyento ng mga Filipino ang payag na itaas ang minimum age ng mga papayagang bumili ng sigarilyo na mula 18-anyos ay gagawing 25-anyos.
Pero nasa 80-porsyento ng mga manggagawang Pilipino ang gustong maitaas ang minimum age ng pupuwedeng bumili ng sigarilyo.
Natukoy pa sa survey ng Pulse Asia, isa sa apat na Pinoy o 24-porsyento ng may edad na 18-anyos pataas ay naninigarilyo at 19-porsyento sa kanila ay aminadong gumagamit ng tabako araw-araw.
Mayroon namang walo sa 10 pinoy o 76-porsyento ang hindi gumagamit na sigarilyo.
“These figures show how deep the smoking problem is rooted in Philippine society. Despite recent strides our nation has taken to control tobacco use, we still have a long way to go,” ayon kay PLCPD Executive Director Romeo Dongeto.
158