GAGAMITIN ni Anak Kalusugan Representatives Mike Defensor ang kanyang karanasan noong siya ay kalihim ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), para makapamahagi ng pabahay sa mga pamilyang walang permanenteng tirahan sa Quezon City.
Ayon kay Defensor, mayroong 250,000 na mga pamilya ang nagtayo ng kanilang mga bahay sa mga lupang hindi nila pagmamay-ari at 50,000 mga pamilya ang gumawa ng kanilang bahay na may pagpayag ng mga may-ari ng lupa.
“Matagal na ‘tong problemang ito, nararapat sigurong matuldukan na ito para sa mga kababayan natin na nangangarap na magkaroon ng sariling bahay,” ayon kay Defensor.
Sinabi ni Defensor noong panahon niya sa HUDCC, naglaan ang pamahalaan ng P500 milyon para sa community mortgage program ng bansa.
“Yung community mortgage program ang basic trust niya kung ikaw ang may-ari ng lupa, babayaran ‘to ng gobyerno, tapos ‘yung mga tao (na nakatira) dahan-dahan naman magbabayad sa gobyerno,” dagdag ng kongresista.
Dagdag pa ni Defensor, kaya maglaan ng Quezon City government ng isang bilyong piso (P1 Billion) kada taon para mabawasan ang bilang ng mga pamilyang walang permanenteng tahanan sa lungsod.
“Kayang-kaya namin ‘to kahit P1 billion a year, para ‘yung mga informal settler naman magkaroon din ng dignidad at magkaroon ng sariling tirahan,” dagdag pa ni Defensor.
