ILANG taon na ang nakararaan nang ako ay nagtuturo sa isang freshman section ng kursong pang-GE sa Sikolohiya. Sa klase na iyon ng mga entrepreneurship majors, kapansin-pansin na pagdating sa talino, dedikasyon, at performance sa klase, ilang babaeng estudyante ang namumukod-tangi at sadyang nangunguna. Walang palya na kakikitaan mo sila ng malaking potensiyal para maging matagumpay na mga babae.
Hanggang dumaan ang mga linggo at dumating kami sa isang leksiyon, na sa pagkakatanda ko ay patungkol sa anu-ano ang mga pinapangarap nila sa buhay at ano mismo ang pakahulugan nila ng magagandang buhay pagdating ng araw. Lahat halos, pati na ang mga lalaki sa klase ay aktibo at ganadong nagbahagi ng mga opinyon.
Karamihan ay gustong makatapos ng pag-aaral, magkahanapbuhay at makamit pa ang mga pangarap — magkaroon ng mga materyal na pag-aari gaya ng bahay at sasakyan, at sa pangkalahatan, isang magandang buhay, na ang ibig sabihin ay marangya, masaya, at tahimik na buhay kasama ng mga minamahal nila. Mga normal lang na sagot.
Ngunit nagulat ako nang sagutin ako ng tatlo sa grupo ng matatalinong babae ng iisang tema ng sagot: gusto nilang makatapos, magkatrabaho, at magpaganda para maging maayos ang pisikal na anyo para makapag-asawa sila ng mayaman gaya ng isang seaman, upang sa huli ay sa bahay na lang sila at ‘di na nila kailangang maghanapbuhay. Windang ang ganda ko! At natahimik ako dahil hindi ko alam ang paraan ng pagsagot na masasabi kong ang nasa puso ko na ‘di ko naman sila nagugulat o napapahiya.
Binanggit ko na lang ang isang bahagi ng kasaysayan ng kababaihan noong kinailangang tumalon sa kamatayan ang ilandaang babae sa kanluran para lang maipaglaban ang karapatang makapaghanapbuhay. Sabi ko sa kanila, “maigi kayo mas may pagkakataon na kayong makapamili ng karera sa buhay ngayon dahil sa mga sakripisyo ng mga nauna sa atin.” At dagdag ko, “medyo kabalintunaan lang yata na noong unang panahon ang mga kabaro natin ay kinailangang ialay ang buhay upang tayong mga sumunod na henerasyon ay magkaroon ng karapatang makapag-aral at makapaghanapbuhay — isang opsiyong pinipii namang isantabi ng ilan sa atin ngayon.”
Mukha ngang marami pang dapat gawin upang ipaunawa sa kasalukuyang henerasyon, lalo na sa mga kababaihan mismo, kung ano ang kabuluhan ng mga napagtagumpayan na ng mahabang panahon nang sumusulong na kilusang kababaihan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
108