CAVITE – Tinatayang mahigit sa P100,000 halaga ng mga paputok at 159 piraso ng improvised PVC cannon ang nakumpiska ng mga awtoridad at dinampot ang ilang menor de edad sa isinagawang operasyon kontra illegal firecrackers at boga sa limang lungsod at 11 bayan sa lalawigan.
Sa bayan ng Mendez, tinatayang pitong improvised PVC cannon o boga ang nakumpiska sa Brgy. Miguel Mojica, Mendez, Cavite at dinampot ang ilang menor de edad.
Tig-11 boga ang nakumpiska sa Brgy. San Rafael 3, sa Noveleta, at sa iba’t ibang barangay sa Cavite City, habang siyam naman sa bayan ng Indang at Carmona City at dalawa lamang sa Maragondon.
Sampu naman na boga ang nakumpiska sa bayan ng Indang at Rosario habang tig-12 naman sa Tanza, Bacoor City, Alfonso at Tagaytay City, 13 boga sa Amadeo, 15 sa Silang, habang 17 naman sa Kawit o 159 sa kabuuan.
Bukod sa boga, nakumpiska rin ang ilang kahon ng Piccolo, Judas belt, Sparklers Liberty Glowing Wire, Full RC Fountain (P500.00), 8 RC Fountain, Mabuhay Rainbow, Double L Fireworks, Super Jumbo Silver Fountain, 5 Colors Luces Special, Baby Rocket, Consumer Fireworks, kwitis, pop pop, five star at Leopard King Pacquiao.
Kasong paglabag sa Municipal Ordinance No. 165 (Possession of Illegal Firecrackers and Pyrotechnic Devices) ang isinampa sa naarestong mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
90