PAGBASURA SA KASO VS ONGPIN, INAPELA NG DOJ

UMAPELA ang Department of Justice (DOJ) sa pagbasura ng korte sa asuntong drogang isinampa laban sa anak ng bilyonaryong dating kalihim ng isang kagawaran ng gobyerno.

Sa isinumiteng motion for reconsideration (MFR) ng tagausig, hiniling nito sa San Fernando City, La Union Regional Trial Court na bawiin ang dismissal sa drug case na isinampa laban kay Julian Ongpin na nakuhanan ng mahigit sa 12 gramo ng droga sa isang hotel room kung saan natagpuang walang buhay ang nobya nitong si Bree Jonson.

Giit ng prosekusyon, may nakalap na silang mga bagong ebidensyang magdidiin sa anak ni dating Trade Secretary Roberto Ongpin, sakaling pagbigyan ng korte ang kanilang MFR – bagay na pinagbigyan naman ng husgado.

Sa isang kalatas, sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na itinakda na sa Disyembre 3 ng kasalukuyang taon ang pagdinig para sa kanilang inihaing MFR.

Una nang ibinasura ng korte ang anila’y depektibong kasong possession of illegal drugs na isinampa ng pulisya laban sa batang Ongpin, na pinaniniwalaan ding sangkot sa pagkamatay ng nobyang si Jonson sa isang hotel sa bayan ng San Juan, sa lalawigan ng La Union, may ilang buwan na ang nakalilipas.

Dito rin nakuha ng nagrespondeng mga pulisy ang 12.6 gramo ng high-grade cocaine at drug paraphernalia. (FERNAN ANGELES)

91

Related posts

Leave a Comment