INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Antonio C. Yarra ang pagkakadakip sa anim na drug suspects na nakumpiskahan ng P176,800 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operations sa Quezon City noong Huwebes.
Kinilala ni P/Lt. Col. Joewie Lucas, station commander of Fairview Police Station (PS-5), ang dalawa sa mga suspek na sina Felix Nelson Alea, 42-anyos, residente ng Luzon Ave., Matandang Balara, Quezon City, at Marhama Abas, 26-anyos, residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Ang dalawa ay inaresto dakong alas-11:00 ng gabi noong Disyembre 2, 2021 sa Commonwealth Ave. corner Winston St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Nakumpiska mula sa kanila ang tinatayang 20 gramo ng shabu na may halagang P136,000 at ang buy-bust money.
Sa isa pang operasyon sa pamamumuno ni P/Lt. Col. Elizabeth Jasmin, station commander ng Cubao Police Station (PS-7), kinilala ang nadakip na mga suspek na sina Raffy Regajal, 37-anyos; Michael Gacillos, 37-anyos; Danilo Macawile, 27-anyos, at isa pang 27-anyos na lalaki, pawang mga residente ng Cubao, Quezon City.
Ang mga ito ay inaresto dakong ala-1:10 ng umaga noong Disyembre 3, 2021 sa No. 138 Cambridge St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Nakumpiska sa kanila ang 13 sachets ng umano’y shabu na P40,800 ang halaga, drug paraphernalia, isang cellular phone, at ang buy-bust money.
Ang mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)
