SA hangaring tuluyan nang tuldukan ang bulilyaso, mas pinalawak pa ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) ang mekanismong didinig at agad na tutugon sa mga inihaing reklamo at sumbong kaugnay ng mga iregularidad sa nasabing kawanihan.
Katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, nagtalaga na rin ng mas maraming tanggapan – bukod pa sa BOC Customer Assistance and Response Services (CARES) – ang maaari na ngayong pagsumbungan ng mga nagnanais magreklamo bunsod ng red tape, pangongotong at maging sa mga naantalang pagre-release ng mga kargamento.
Sa isang virtual conference, napagkasunduang magbukas ng mga dagdag linya ng komunikasyon ang BOC, Civil Service Commission (CSC), Presidential Complaints Center, Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) para sa mas mabilis na aksyon.
Bahagi rin ng napagkasunduan ang pinagtibay na koordinasyon sa mga nabanggit na ahensya para sa isahang pagbalangkas ng mga rekomendasyon, polisiya at direktiba para sa mas epektibong kampanya laban sa katiwalian kasabay ng pinahusay na serbisyo sa larangan ng kalakalan.
Para sa mga sumbong, magtatakda na rin ang mga nasabing ahensya ng “timetable” para sa pagtugon sa mga inihaing reklamo, sumbong at iba pang impormasyon. (BOY ANACTA)
