BUNSOD ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, maging ang National Capital Region (NCR) ay inilagay na rin sa ‘minimal risk’ ng Department of Health (DOH).
Nangangahulugan ang ‘minimal risk’ na mas mababa sa 1 ang ‘average daily attack rate (ADAR)’. Ayon sa DOH, nasa 0.87 kada 100,000 indibidwal na lamang ang ADAR sa Metro Manila.
Ito ang magandang ibinalita ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire makaraang makatanggap ng ulat na nasa -62% na rin ang two-week growth rate (TWGR) sa rehiyon.
Habang sa healthcare system, nasa 21.11% ang bed utilization, nasa 16.82% ang mechanical ventilator utilization, at nasa 29.31% ang ICU utilization.
Nasa ‘low risk classification’ na ang mga siyudad ng San Juan, Las Piñas, Taguig, Pasay, Mandaluyong, at Pasig habang nasa ‘minimal risk’ ang Quezon City, Makati, Parañaque, Manila, Valenzuela, Navotas, Marikina, Malabon, Muntinlupa, Caloocan, at Pateros.
Sa kabila nito, nakitaan nang bahagyang pagtaas sa ‘one-week growth rate’ ang mga siyudad ng San Juan, Pasig, Parañaque, Valenzuela, at Malabon. (RENE CRISOSTOMO)
128