2 BABAE TIMBOG SA EXTORTION SA CAVITE

CAVITE – Arestado sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang “mamamahayag” ng isang provincial newspaper at nagpakilalang mga ahente ng Philippine Drug and Enforcement Agency (PDEA) at umano’y nangingikil ng pera kapalit ng kalayaan ng nakakulong na mga drug suspect sa Trece Martires City noong Lunes ng hapon.

Kinilala ayon sa kanilang Identification Cards (ID) ang arestadong mga suspek na sina Carla Saylo Alumno, dalaga, at Jessica Salapar, 27, dalaga, kapwa ng Rektang Puna News.

Ayon sa ulat ng CIDG, dakong alas-5:30 ng hapon nang nagsagawa ng entrapment operation ng mga operatiba ng AOCU-CIDG, PDEA Intelligence and Investigation Service Counterintelligence Division at Naval Intelligence Service Force laban sa dalawang suspek dahil sa reklamo ng mga kamag-anak ng nakakulong na mga drug suspect, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City.

Modus operandi umano ng dalawa na magpakilalang mga PDEA agent at kinikikilan ang mga kamag-anak ng mga drug suspect ng malaking halaga kapalit ng kanilang paglaya ngunit nagduda ang mga ito nang magpadagdag subalit walang nadidismis na kaso dahilan upang itimbre sa CIDG.

Sinasabing umabot halagang P100,000 ang nakuha ng mga suspek sa mga kamag-anak ng mga drug suspect.

Tumanggi naman ang CIDG na pangalanan ang nagreklamong mga biktima para umano sa kanilang seguridad.

Ayon pa sa CIDG, ang naarestong mga suspek ay mga miyembro rin ng umano Almira Robbery Extortion Group.

Nakuha sa pag-iingat ni Alumno ang halagang P2,940 na wini-draw mula sa Smart Padala, PDEA ID, at Rektang Puna News ID, habang PDEA ID at Rektang Puna News ID ang nakumpiska kay Salapar.

Kasong paglabag sa Art. 294 (Robbery Extortion) at Art. 177 (Usurpation of Authority) ng RPC ang kinahaharap ng mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

173

Related posts

Leave a Comment