“YOU can only lose track of your prey if your vision is not clear” ani PNP-Police Regional Office 5 Regional Director, P/BGen. Jonnel C. Estomo nang mapatay ang isang high value target matapos na mauwi sa engkwentro ang ikinasang buy-bust operation sa Talisay, Camarines Norte.
Kinilala ni P/BGen. Estomo ang napaslang na umano’y bigtime drug pusher na si Christian Sabaria Serrado, 40-anyos, ng Brgy. Larap, Jose Panganiban, Camarines Norte at itinuturing na regional level high value individual priority target, ayon sa PNP Data Base on Drug Personalities.
Ayon kay P/BGen. Estomo, bandang alas-4:09 ng madaling araw noong Lunes nang ikasa ang anti-narcotics operation sa Purok 2, Brgy. Gabon, sa bayan ng Talisay ng pinagsanib na pwersa ng PNP-PRO5
ODRDO-RPDEU5 team kasama ang Camarines Norte PPDEU/PIU (lead unit) at Talisay MPS, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Julius D. Guadamor, Provincial Director ng Camarines Norte PNP.
Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency RO5, ay isinagawa ang joint entrapment at buy-bust operation laban sa suspek na miyembro umano ng bigtime drug syndicate at may malawak na operasyon sa Camarines Norte at kalapit na mga lalawigan sa Bicol Region.
Kumagat sa pain ang suspek at pumayag na magbenta ng 50 gramo ng shabu sa halagang P340,000.
Ngunit napuna ng suspek na may mga awtoridad sa paligid kaya mabilis na bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.
Napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad at nahagip si Serrado ng mga punglo.
Nagawa pa itong itakbo sa Camarines Norte MDRRMO ngunit idineklarang dead on arrival.
Bukod sa droga na nabili sa entrapment operation ay may nakuha pang 100 gramo ng shabu sa katawan ng suspek na may estimated street market value na aabot sa P1,020,000 standard drug price.
Dinala ang bangkay ng HVT sa pinakamalapit na funeral parlor para ma-autopsy habang nasa kustodiya na ng responding PNP-SOCO Team ang nakuhang mga ebidensiya matapos maproseso ang crime scene. (JESSE KABEL)
