SA pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang produksiyon ng aquaculture ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming lokal na pinagkukunan ng semilya o prito, ay itinayo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture, ang isang bagong multi-species marine hatchery na itinayo sa munisipyo ng Perez, Quezon bilang pagsunod na rin sa itinatadhana ng Republic Act 10945.
Katuwang ang mga pangunahing opisyal ng DA-BFAR na katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Perez, lalawigan ng Quezon, at si Fourth District Rep. Angelina D.L. Tan, ay pinasinayaan nila noong Disyembre 13, 2021, ang Phase 1 construction ng hatchery na nagkakahalaga ng P20 milyon.
Ayon sa DA-BFAR, mayroong karagdagang budget na P15 milyon para turnover at paunang operasyon ng hatchery at pagpapanatili na rin ng kasalukuyang pasilidad, patungo sa Phase 2 construction.
Nagsimula ang proyekto noong Hunyo 2020 sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement na nabuo sa pagitan ng DA-BFAR Regional Fisheries Office 4A at LGU Perez, Quezon, kung saan ang DA-BFAR 4A ay nagbigay ng pondo habang ang LGU ay nagbigay rin ng iba pang mga kinakailangan para sa naturang proyekto.
Nabuo ang disenyo sa naturang hatchery sa pakikipagtulungan ng Southeast Asian Fisheries Development Center / Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD), ang nasabing imprastraktura ay kasalukuyang sumasaklaw sa 1,500 metro kuwadrado ng kabuuang 4,800 metro kuwadrado, para sa hinaharap na pagpapalawak pa ng nasabing proyekto. Ito’y para sa kultura ng iba pang mga kahaliling species katulad ng alimango, hipon, pompano at grouper.
Ang proyekto ay magbibigay rin ng pasilidad sa pagsasanay para sa mga mag-aaral, indibidwal, o grupo na interesadong maglagay ng mga hatchery ng bangus para sa kanilang kabuhayan.
Matatagpuan ang ang nasabing government aquaculture facility o legislated hatchery sa Brgy. Villamanzano Sur, sa Perez, Quezon na inaasahang makakapag-produce ng 25 milyong piraso ng milkfish fry taun-taon.
Ang mga mapo-produce na fry mula sa naturang hatchery ay ibibigay sa cage operators sa mariculture parks sa Alabat, Perez, Padre Burgos at iba pang munisipalidad ng Quezon, na magiging daan upang mabawasan ang pangangailangang mag-import ng mga semilya mula sa ibang rehiyon o bansa.
Batay sa MOA, ang unang dalawang taon ng pagpapatupad ng nasabing proyekto ng pamahalaan o ng DA-BFAR 4A, magbibigay ng mga teknikal na kasanayan sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan na kalaunan ay siya ng magiging responsable sa paglipat nito sa LGU Perez.
Ang hatchery sa Perez ay isa sa target na sampung legislated hatchery sa 4th District ng Quezon na nabuo sa pamamagitan ng inisyatiba ng Philippine legislative body, na target ang 37 hatcheries at aquaculture facilities na nakatakdang itayo sa buong bansa. Sa ilalim ng Republic Act 10945.
Kabilang din sa nais makumpleto ng DA-BFAR sa pagtatapos ng taon ay ang isang multi-species hatchery at tatlong mangrove crab nursery sa Lanao del Norte at Catanduanes, habang ang natitirang 32 ay inaasahang matatapos sa susunod na taon.
Samantala, mananawagan na rin kaming mga taga “Saksi Ngayon” sa lahat ng mga Pilipino na magtulong-tulong po tayo upang makapagpaabot ng tulong sa ating mga kababayan na lubhang nasalanta ng bagyong Odette, kabilang na dyan ang munisipalidad ng President Garcia sa isla Pitogo ng Bohol Province.
SALAMAT PO.
